(NI ANN ENCARNACION)
AGAD mapapalaban ang Team Pilipinas sa iba’t-ibang sports sa unang araw ng kompetisyon, isang araw matapos ang mala-Olympics na opening ceremonies ng 30th Southeast Asian Games sa Philippine Arena sa Bocause, Bulacan.
Ganap na ala-7 ng gabi magsisimula ang SEA Games opening ceremonies kung saan inaasahan ang pasabog na performance ng international award-winner na si Apl de Ap at iba pang de-kalibreng entertainers, bukod sa parada ng mga delegado mula sa kasaling 11 bansa kabilang ang host Pilipinas.
Dadalo rin ang Filipino Sports Heroes na sina Lydia De Vega-Mercado, Elma Muros-Posadas, Mansueto ‘Onyok’ Velasco, Leopoldo Serrantes, Olivia ‘Bong’ Coo at Rafael ‘Paeng’ Nepomuceno sa tradisyunal na pagparada sa bandila ng Southeast Asian Games Federation (SEAGF).
Anim na premyadong atletang Pinoy sa kasalukuyan ang bibitbit naman sa bandila ng Pilipinas bilang host country–Ernest John “EJ” Obiena, Margielyn Didal, Kiyomi Watanabe, Margaret Ochoa, Eumir Felix Marcial at 2016 Rio De Janeiro silver medalist Hidilyn Diaz.
Magsisilbing torch runner ang World women’s boxing champion na si Nesthy Petecio bago nito ibigay ang sulo kay eight-division world boxing champion Manny Pacquiao, na siyang magsisindi sa simbolikong cauldron na mag-iilaw sa loob ng 11-araw na SEA Games.
Naunang pinili para rito ang pinakaunang World Gymnastics gold medalist na si Carlos “Edriel” Yulo subalit hindi ito natuloy dahil kasama siya sa mga national athletes na agad sasabak sa kompetisyon sa unang araw ng torneo.
Kabilang sa mga unang makikipagsalpukan sa Disyembre 1 ang mga pambato natin sa arnis, basketball 3×3, chess, cycling, dance sports, gymnastics, ice hockey, kurash, lawn bowls, sepak takraw, shooting, squash, lawn tennis, triathlon, weightlifting at wushu. Buena-manong magsisimula ang women’s triathlon Linggo ng alas-6 ng umaga na susundan ng men’s division.
Walong gintong medalya ang paglalabanan sa arnis, lima ang nakataya sa kurash, habang 10 naman sa dancesports.
376