(NI BERNARD TAGUINOD)
HINDI nalugi bagkus ay kumita pa ang Manila Water ng P6.5 bilyon noong 2017.
Ito ang nabatid kay Dasmariñas City Rep. Elpidio Barzaga Jr., kaya nais nitong paimbestigahan ang concession agreement sa pagitan ng Manila Water at Maynilad sa Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS).
Magugunita noong Nobyembre 29, ay nagbaba ng desisyon ang Singapore Arbitration Tribunal na nag-aatas sa MWSS na bayaran ng P7.4 Billion ang Manila Water dahil nalugi umano ang nasabing concessionaire nang hindi sila payagan na magtaas ng singil sa tubig noong 2015 hanggang 2017.
“Manila Water is claiming P7.39 billion in supposed losses suffered by Manila Water despite the fact that according to them, it posed a gross income of P6.5 billion, (or) a net income increase of six percent from the previous year,” ani Barzaga sa kanyang House Resolution (HR) 572.
Maging ang Maynilad ay kumita umano at nagreport ng net income na P7.3 billion noong 2018 na mas mataas sa P6.8 billion na kinita nito noong 2017 kaya hindi matanggap ni Barzaga na nalugi ang mga ito dahil hindi sila pinayagang magtaas ng singil.
Ganito rin ang posisyon ng mga kinatawan ng Bayan Muna party-list na naghain ng hiwala ng resolusyon para muling busisiin ang concecession agreement dahil dehadong dehado aniya dito ang mga consumers.
Ayon kina Bayan Muna Reps. Carlos Zarate, Ferdinand Gaite at Eufemia Cullamat, panahon na umano para tuluyang bawiin ang concession agreement dahil mula noong makuha ng dalawang kumpanya ang water service noong 1997 ay pawang tubo umano ang kanilang inatupag at hindi inayos ang kanilang serbisyo.
Patunay dito ang water interruption na nakarasan ng mamamayan noong Marso 2019 na ayon kay Gaite ay hanggang ngayon ay nakakaranas pa rin ang mga ito sa Pasig City ng kakulangan ng supply.
Maliban sa bilyones na kita ng Manila Water at Maynilad ay dapat din umanong matigil na ang kalakaran ng mga kumpanyang ito na ipinapasa sa taumbayan ang kanilang obligasyon sa buwis.
169