(NI ROSE PULGAR)
SA kabila ng magkaibang pinaniniwalaan sa relihiyon, kahapon ay nangako ang mga residenteng Muslim sa Baseco, Manila na susuportahan at aayudahan nila ang mga Katolikong deboto na sasama sa traslacion ng Black Nazarene o ‘Itim na Nazareno’ sa darating na Enero 9 (araw ng Huwebes ).
Ayon kay National Capital Region Police Office (NCRPO), acting chief Brid. Gen. Debold Sinas sa press briefing nitong Sabado, nakipagpulong umano siya sa mga lider ng Muslim community sa Baseco, at sila mismo ang nagsabing tutulong sila sa Traslacion ng mga deboto.
“The leaders offered to help facilitate the celebration by giving devotees water as well as other means to ensure a “safe, peaceful and solemn celebration” of the feast. I am humbled with gratitude by the cooperation and support granted us by our Muslim brothers in our plight to ensure the safety and security of the upcoming Traslacion. NCRPO is with you to make this momentous event a success,” ani Sinas.
Binigyang diin ni Sinas, na ang gagawing Traslacion ngayong taon ay iikot lamang ng may 6.16 kilometro, mula sa Rizal Park hanggang makabalik ang Black Nazarene sa Quiapo Church.
Nabatid na sa Enero 9, pansamantalang isasara ang ilang daan para sa mga motorista trapiko upang bigyang daan ang prusisyon ng Itim na Nazareno.
Magsisimula ang ruta ng Traslacion sa Quirino Grandstand, Katigbak Road patungong Padre Burgos St., Finance Road papunta sa Ayala Boulevard, Palanca St., Quezon Boulevard, Arlegui St., Fraternal St., Vergara St., Duque de Alba St., Castillejos St., Farnecio St., Arlegui St., Nepomuceno St., Concepcion Aguila St., Carcer St., Hidalgo through Plaza del Carmen, Bilibid Viejo through Gil Puyat, JP De Guzman St., Hidalgo St., Quezon Boulevard, Palanca St. patungo sa ilalim ng Quezon Bridge, Villalobos patungo ng Plaza Miranda at magtatapos sa Simbahan ng Quiapo.
Samantala, ayon pa kay Sinas, mahigit sa 11,000 pulis ang kanilang itatalaga para siguruhin ang matiwasay na pagdaraos ng Traslacion sa taunang prusisyon sa imahen ng Itim na Nazareno na nilalahukan ng milyon-milyong deboto.
Sinabi pa ni Sinas, ang 1,500 pulis ay isasama mismo sa prusisyon habang 10,000 ang itotoka sa paligid ng ruta.
Dagdag pa ni Sinas, wala ring deboto ang papayagang makasampa sa harapan ng andas o karosa na paglalagyan ng imahen.
Sa likuran lamang papayagang makaakyat ang mga deboto upang maayos ang usad ng prusisyon.
Aniya bilang bahagi rin ng seguridad ang pagputol ng signal ng cellphone sa mga lugar na daraanan ng Traslacion.
173