NAGKASUNDO ang Philippine Basketball Association (PBA) at Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) na bumuo ng partnership na maglulunsad ng 3×3 event upang mapalakas ang tsansa ng bansa na makatuntong muli sa Olympics.
“If not Tokyo (in July), maybe 2024 in Paris,” sabi ni SBP president Al Panlilio, kabilang sa PBA governors na nagpulong kamakailan sa Milan, Italy.
Magbubukas ang PBA 3×3 sa Marso, bagama’t hindi pa napipinalisa ang mga detalye habang hindi pa nakapipili ng tournament director.
“Through the recommendation of the vice chair (Bobby Rosales of Columbian Dyip), we decided to make it a stand-alone program, something like the D-League. It will be run by an executive director under the supervision of the PBA commissioner,” ayon kay PBA chair Ricky Vargas sa pagtatapos ng planning session sa Rosa Grand Milano sa Milan Biyernes ng gabi.
“Our involvement in 3×3 reassured the SBP president that the PBA is all-out to support the SBP. We’ve been doing that at least in the last four years,” dagdag ni Vargas.
Sinabi naman ni Rosales, ang kanilang 3×3 program ang magpapakita sa pagiging inclusive ng PBA. Ang bagong liga ay magbibigay din ng mga oportunidad sa lahat ng Pilipinong basketball players.
Ang torneo ay lalahukan ng lahat ng 12 PBA franchises pati na ang posibleng pagsali ng ibang kabilang sa PBA.
Ibinahagi naman ni PBA commissioner Willie Marcia na ang Mighty Sports at Dunkin Donuts ay nagpahayag ng kanilang interes na sumali sa 3×3 tourney.
Para sa nalalapit na Olympic qualifier para sa Tokyo Olympics, sumang-ayon ang PBA board na ipahiram ang tinanghal na SEAG 3×3 gold-medal team nina CJ Perez, Chris Newsome, Moala Tautuaa at Jason Perkins para palakasin ang kasalukuyang pool ni coach Ronnie Magsanoc.
Ang SBP selection committee na binubuo nina Sonny Barrios, Eric Altamirano, Butch Antonio, Jong Uichico at Magsanoc ang pipili ng dalawang manlalaro mula sa bagong dagdag sa pool upang makasama ng dalawang high-ranking Filipino 3×3 players na bubuo sa final four-man roster.
Ang inisyal na plano ay ang buksan ang PBA 3×3 sa lahat ng players na wala sa active list ng PBA team, kahit na ano pa ang edad. Mayroon din proposal na iangat ang 3×3 players sa PBA kahit na hindi na dadaan sa D-League, ngunit hindi ito pinayagan ng Board. (ANN ENCARNACION)
SOTTO NANGUNA SA PANALO NG TSF
HABANG tumatagal ay mas nagle-level up ang laro ni Kai Sotto, ngayon ay pang-68 sa ESPN Rankings para sa US Class of 2020 recruits.
Noong Biyernes (Sabado, Manila time) ay muling ipinamalas ni Sotto ang kanyang galing nang magposte ng 31 puntos para sa Atlanta-based squad The Skill Factory (TSF) kontra Combine Prep.
Maliban dito ay nagdagdag pa siya ng 13 rebounds, four blocks at four assists sa 111-95 panalo ng TSF.
Sa naturang laro ay ipinamalas ng 17-anyos na Pinoy basketeer ang kanyang malawak na offensive arsenal sa kanyang midrange shots, at depensa sa ilalim ng ring.
Dahil dito ay patuloy na dumarami ang mga koponan sa NCAA Division na nagkakainteres sa 7 foot 2 na si Sotto.
Ilan sa mga nagpahayag ng interes na makuha ang serbisyon niya ay Georgia Tech, Auburn University at Kentucky University. (EBG)
2020 MPBL Lakan Season; CAGERS NILAPA NG TIGERS
IBINAON ng Davao Occidental Cocolife Tigers ang kanilang pangil sa at pinasuko ito sa 106-90 panalo sa pagtatapos ng double round eliminations ng Maharlika Pilipinas Basketball League (MPBL) Lakan Season Biyernes ng gabi sa Batangas State University (BSU) Gym.
Naging dikdikan ang laban sa unang dalawang yugto kung saan ay nagpang-abot ang dalawang koponan sa 47-43 sa pagtatapos ng halftime.
Pagsapit ng sumunod na quarter, sinagpang nang tuluyan ng Tigers ang kalaban sa pamamagitan ng matinding opensa nina Bon Bon Custodio, Mark Yee, Billy Robles, Emman Calo, Marko Balagtas at James Forrester tungo sa pagtala ng ga-bundok na 83-59 kalamangan sa pagtatapos ng 3rd period.
Pagpasok ng huling yugto ay hindi na lumingon pa ang tropa ni Dumper Party List Rep. Claudine Bautista ng Davao Occidental sa ayuda nina Cocolife President Atty. Jose Martin Loon, FVP Joseph Ronquillo, AVP Rowena Asnan at SVP Franz Joie Araque.
Dahil sa panalo ay nanatili ang koponan sa tuktok ng team standings sa South Division sa 23-4 panalo-talong rekord.
” We need to finish the phase strong para baon ng ating Tigers pagdating sa playoff,” wika ni Davao Cocolife team manager Dinko Bautista, kaagapay si deputy Ray Alao na pinuri ang court leadership ni King Tiger Yee na tinanghal na Best Player of the Game.
Aarangkada ang MPBL playoffs matapos ang All-Star Games sa Pebrero 13. (DENNIS INIGO)
PSA: PRESIDENT’S AWARD KAY YULO
ISA si Carlos Yulo sa nagbigay ng ‘greatest moments’ sa Philippine sports sa nakalipas na taong 2019.
Umukit ang 19-anyos ng kasaysayan nang magwagi ng ginto sa men’s floor exercise ng World Artistic Gymnastics Championships in Stuttgart, Germany, upang maging unang Filipino at unang male gymnast mula sa Southeast Asia na nanalo ng ginto sa world stage.
Ang nasabing tagumpay ng 4’11” Manila-born gymnast ay nagkaloob din sa kanya ng pwesto para makasali sa 2020 Tokyo Olympics.
Bukod sa kanyang tagumpay sa world competition, tinapos ni Yulo ang 2019 campaign nang magbulsa ng dalawang gold at five silver medals para sa Team Philippines sa 30th SEA Games at maging instrumento sa pagbawi sa overall championship ng Pilipinas.
Bunga nito, si Yulo ay pagkakalooban ng President’s Award sa SMC-Philippine Sportswriters Association (PSA) Annual Awards Night sa Marso 6 sa Centennial Hall ng Manila Hotel.
Tatanggapin ng Team Philippines na sumabak sa SEA Games ang Athlete of the Year award na ipinagkakaloob ng ‘oldest media organization’ sa Pilipinas sa taunang gala night na ipipririnsta ng
MILO, the Philippine Sports Commission (PSC), Cignal TV, Philippine Basketball Association (PBA), at Rain or Shine.
Ang iba pang award na ipinagkakaloob ay:
Executive of the Year, National Sports Association of the Year, Lifetime Achievement, Ms. Basketball, Mr. Volleyball, Ms. Golf, Mr. Football, Coach of the Year, Major Awards, Tony Siddayao Awards, MILO Junior Athletes Award, at numerous citations. (VT ROMANO)
2020 Dubai International Championship; MIGHTY SPORTS SWAK SA FINALS
NALUSUTAN ng Mighty Sports ang dikitang laban at tinalo ang Moroccan powerhouse team AS Sales, 80-76 sa 2020 Dubai Basketball International Championship sa Shabab Al Ahli Club para maging unang Philippine ball club team na umabante sa finals ng invitational tourney.
Hindi naging madali ang panalo ng Filipino dribblers. Buhat sa 12-point lead, 78-66 3:20 sa laro, nagpakawala si Abderrahim Najah ng eight points sa 10-2 run para ibaba sa apat ang kalamangan ng Mighty Sports sa huling 1:36.
Pero mula rito ay hindi na nakaiskor ng AS Sale, kung saan sumablay ang triple ni Wayne Arnold, sinundan ng mintis ni Najah na naging katapusan ng Moroccan squad na dating champion sa nasabing torneo.
Si Renaldo Balkman ang bumalikat sa Mighty Sports sa itinalang 29 points at five rebounds.
Nagawa ring limitahan ng dating ABL Defensive Player of the Year ang shooter ng AS Sale na si Radhouane Slimane sa 14 points (4-of-14 shooting).
Nagdagdag si Andray Blatche ng 17 points, 11 rebounds at eight dimes.
Umabante ang Mighty Sports, 18-7, at pinalobo ni Blatche sa 35-21 ang lamang sa kalagitnaan ng second period.
Nagtala si Mikey Williams ng 12 points, habang 7 si Thirdy Ravena at 6 puntos si Jamie Malonzo.
Nagsumite naman sina Najah at Soufiane Kourdou ng tig-20 points para sa AS Sale.
Ngayong araw ng Linggo (Manila time) ang finals, kung saan makakalaban ng Mighty Sports ang winner sa pagitan ng Al Riyadi at Hoops na naglalaro pa as of presstime. (VT ROMANO)
