TESTIMONYA NG 2 LANDBANK MANAGERS TUMUGMA SA NAUNANG SALAYSAY NI MADRIAGA – ADIONG

IGINIIT ni House Trial Spokesperson at Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong na tumugma ang testimonya ng dalawang dating LandBank managers sa naunang salaysay ni Ramil Madriaga kaugnay ng umano’y pamamahagi ng confidential funds ni Vice President Sara Duterte.

Sa press conference matapos ang ika-10 araw ng impeachment trial, sinabi ni Adiong na magkatulad ang mga detalyeng ibinahagi nina retired LandBank Shaw Boulevard Branch Manager Violeta Constantino, dating LandBank DepEd Branch Manager Nenita Camposano at Madriaga, kabilang ang petsa ng mga transaksyon, uri ng mga bag na pinaglagyan ng pera at dami ng mga ito.

Ayon kay Adiong, walang indikasyong nagkasundo ang tatlo sa kanilang mga salaysay kaya aniya ay mas tumitibay ang kredibilidad ng testimonya ni Madriaga.

Sinabi rin ni House Prosecution Chairman at Batangas Rep. Gerville Luistro na naging pare-pareho ang mga detalyeng inilatag ng mga testigo sa impeachment court at sa naunang pagdinig ng House Committee on Justice.

Samantala, sinabi ni House Senior Deputy Majority Leader at Iloilo Rep. Lorenz Defensor na “appetizer” pa lamang ang testimonya ng dalawang dating LandBank managers at mayroon pang mga testigong ihaharap ang prosekusyon upang patunayan ang umano’y betrayal of public trust at culpable violation of the Constitution kaugnay ng P612.5 milyong confidential funds.

Kapwa inilarawan nina Constantino at Camposano bilang “unusual” ang malalaking cash encashment ng Office of the Vice President at Department of Education dahil hindi karaniwan ang ganoong kalaking cash withdrawals sa mga transaksyon ng mga ahensya ng gobyerno.

(TINA MENDOZA)

55

Related posts

Leave a Comment