CLICKBAIT ni JO BARLIZO
SINO ba naman ang ayaw ng kapayapaan? Sa buhay at sa pulitika, mas masarap ang walang kaaway. Kaya naman nang ihayag ng Palasyo na nais ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na i-“reset” ang relasyon ng Pilipinas at China matapos makipagpulong kay Chinese Ambassador Jing Quan nitong Hulyo 23, marami ang napabigkas ng: “Sana nga.”
Pero teka lang. Bago tayo magdiwang at mag-ipon ng confetti para sa panibagong “Friendship Goals,” magpalamig muna tayo ng ulo. Sa geopolitics kasi, ang pindutin ang reset button ay hindi kasing dali ng pag-restart ng mabagal na cellphone. Lalo na kung ang kausap mo ay magkaiba ang ginagawa ng dalawang kamay.
‘Yun bang, ‘yung isang kamay ay iniaabot sa ‘yo para makipagkamay habang ang isa ay nagmamaniobra ng Water Cannon.
Isang oras at dalawampung minuto raw tumagal ang palitan ng kwento nina PBBM at ng ambassador.
“Naging maganda naman ang usapan,” ayon kay Palace Press Officer Usec. Claire Castro. Pero habang pilit nating hinahanap ang “magandang relasyon,” hindi natin pwedeng kalimutan ang mga resibo ng nakaraang mga linggo. ‘Yung insidente sa Ayungin Shoal kung saan nasugatan ang dalawa nating Philippine Navy personnel sa panibagong pangha-harass ng Chinese Coast Guard (CCG). (Salamat nga pala at binigyan sila ng Palasyo ng P100,000 na ayuda bawat isa bilang pagkilala sa kanilang sakripisyo, pero mas masarap pa rin sanang umuwi nang walang pasa at sugat).
‘Yung AI Video na inilabas ng China Daily kung saan itinuturing na “unggoy” ang mga Pilipino. Aysus, napaka-gentleman talaga!
Hindi naman masamang makipag-usap. Sa katunayan, diplomatic victory kung madadaan sa magandang usapan ang lahat. Pero huwag tayong maging uto-uto.
Ang tanong: Kapag ba pinalitan ang plaka at sinabing “reset,” ibig sabihin ba nito ay titigil na ang CCG sa pagpapatrol sa ating Exclusive Economic Zone (EEZ)? Babawiin na ba nila ang kanilang mga pekeng mapa? O baka naman ang “reset” para sa kanila ay nangangahulugang back to zero tayo sa pagprotesta habang tuloy-tuloy pa rin ang kanilang okupasyon?
Hindi sapat ang ngiti sa mga press briefing at mga pahayag na “maganda ang usapan” kung sa mismong dagat ay iba ang timpla ng alon.
Magandang alalahanin ng ating gobyerno na hindi pwedeng i-automate ang tiwala.
Pwedeng mag-reset ng relasyon, pero siguraduhin muna nating nakakabit pa rin ang ating prinsipyo at soberanya. Dahil kung magpapadala tayo sa matatamis na salita habang patuloy na binu-bully ang ating mga mangingisda at sundalo sa West Philippine Sea, baka hindi reset ang mangyari—baka FORMAT na ng ating pambansang karangalan.
Hinay-hinay lang sa pagpindot ng reset, Mr. President. Baka ‘pag gising natin, wala na sa atin ang remote control!
89 