Sa Biyernes ay magtatapos na ang teleseryeng Kadenang Ginto na pinagbibidahan nina Andrea Brillantes at Francine Diaz. Malaki ang pasasalamat ni Andrea sa naturang programa dahil nabigyan ng kasagutan ang mga ipinagdasal lamang noon ng aktres. “Gusto kong magpasalamat sa show na ito. Bago dumating ang Kadenang Ginto sa akin medyo lost po ako noon. Nasa kama lang ako noon, sobrang empty ko. Kasi wala akong raket, wala akong show, kailangan ko na,” kwento ni Andrea.
Ang dalagita ang tumatayong breadwinner sa kanilang pamilya kaya naman abot-abot ang pasasalamat sa tuwing may ginagawang proyekto. “Kasi siyempre ako po ang breadwinner sa amin, kailangan ko na ng pera, kailangan ko na mag-ipon. Tapos lumuhod pa talaga ako noon at umiiyak ako, ‘Lord, please bigyan n’yo ako ng chance.’ Gusto kong mapatunayan sa lahat na kaya kong umarte, hindi lang ako ito, I’m more than that. So Noong dumating sa akin ang Kadenang Ginto, sabi ko ito na. Papatunayan ko sa lahat, ibibigay ko ang lahat ko, ibibigay ko ang best ko sa lahat ng iyakan, sa lahat. So masaya ako na dumating sa akin ito,” paglalahad niya.
Ayon kay Andrea ay natupad din ang pinapangarap niya noon na magkaroon ng sariling bahay nang dahil sa Kadenang Ginto. Malapit na umanong matapos ang pinapagawang bahay ng aktres para sa kanyang pamilya. “Malapit nang matapos ang bahay ko, sa April na po. Dati extra-extra lang ako, ‘yung wala akong tent, wala akong upuan. Pero alam ko na gusto ko na magkaroon ako ng bahay para sa buong pamilya ko. Kasi nakakapagod ‘yung palaging nagre-rent, aalis ka at pupunta ka sa bagong bahay na naman. No’ng dumating sa akin ang Kadenang Ginto, dito ako nagkaroon ng parang endorsements, blessings na ilang years ko na pong ipinagdasal na sana magkaroon ako. Kasi no’ng una akala ko hindi ako naririnig ni Lord kasi nine years na po akong artista. Feeling ko di Niya ako naririnig sa mga ipinagdarasal ko. Tapos bumuhos ang lahat ng blessings. Kaya sabi ko, ‘Lord, grabe thank you talaga.’ Ngayon mas naniniwala ako sa right timing,” nakangiting pahayag ng aktres.
With reports from J.C.C.
