2 PULIS SINIBAK SA ‘OPLAN X-MEN’

SINIBAK sa kanilang puwesto ang dalawang miyembro ng Makati City Police makaraang mahuli sa video na nag-imbita sa mga ‘transwoman’ sa kanilang himpilan para sa umano’y ‘Profiling’.

Ayon kay Police Col. Rogelio Simon, hepe ng Makati City Police, ang mga sinibak na sina Pat. Timmy Paez at P/Cpl. Juliet Atal ay isasailalim sa retraining at workshop ukol sa ‘gender sensitivity’.

Wala namang naibigay na paliwanag ang mga sinibak na opisyal kung bakit nila inimbitahan sa kanilang himpilan ang transwoman na si Anne Pelos noong Valentine’s Day, Pebrero 14.

Sa Facebook video post ni Pelos, naglalakad sila ng kanyang co-workers sa Makati Avenue nang harangin sila ng mga pulis.

“Yan ang instruction sa amin ngayon… parang profiling naman ‘yun,” ayon umano sa police officers, sa video na halos 200,000 katao ang nakapanood habang 4,000 naman ang nag-share.

Sinabi ni Pelos, kung malinaw ang pagpapaliwanag sa kanila ng police officers kung bakit sila dadalhin sa police station, ay handa naman umano silang sumama.

Kasabay nito, itinanggi naman ng hepe ng Makati City Police na may inilunsad silang “Oplan X-Men” para sa mga miyembro ng Lesbian, Gay, Bisexual, Transgender (LGBT).

“It was only a misunderstanding. They rescue women, including LGBT members, from illicit activities such as prostitution through “Oplan Magdalena,” giit ni Simon.

Nilinaw naman ni PNP chief, General Archie Francisco Gamboa na walang kautusan mula sa pamunuan ng PNP na magsagawa ng profiling ng mga transgender.

Gayunpaman, sinabi ni Gamboa na wala siyang nakikitang mali sa pag-iimbita ng mga tao na pumunta sa istasyon ng pulisya dahil maaari namang tumanggi ngunit hindi maaring pilitin ng mga pulis na sumama ang sinuman.

Una rito, pinuna ng Commission on Human Rights (CHR) ang pag-iimbita ng Makati Police sa mga transgender, na isang uri ng harassment sa mga miyembro ng LGBTQI (Lesbian, Gay, Bisexual, Transgender, Queer or Questioning, and Intersex) community.

Sinabi ng komisyon na posibleng humantong din sa warrantless arrest ang naturang aksyon, at pinaalalahan ang mga pulis na hindi sila maaring mang-aresto dahil lang napagdiskitahan nila. (ROSE PULGAR)

 

202

Related posts

Leave a Comment