BANGGAN NG BUS AT JEEP
ALBAY – Isang guro ang nasawi habang nasugatan ang 15 pasahero nang magbanggaan ang isang pampasaherong bus at jeep sa Camalig sa lalawigan, Linggo ng hapon.
Naipit sa tumagilid na bus ang nasawing si Lea Paliangayan, 49, guro ng Marcial O. Rañola Memorial School (MORMS) sa Guinobatan, Albay.
Nilalapatan naman ng lunas sa Bicol Regional Training and Teaching Hospital (BRTTH) ang 15 pasahero ng jeep at bus na pawang nasugatan.
Nabatid kay P/Major Dante Rosal, hepe ng Camalig Municipal Police Station (MPS), naganap ang insidente dakong alas 5:50 sa kahabaan ng Maharlika highway sa P-2, Sitio Bascaran, Brgy. Libod ng nabaggit na bayan.
Patungo umano ng Legazpi City ang pampasaherong Jeep na mayroong walong pasahero na minamaneho ni Jeason Nual nang makasalubong nito ang Raymond Bus na minamaneho naman ni Ranulfo Decano Jr. na biyaheng Maynila na walo din ang pasahero.
Lumalabas na tinangkang mag-overtake ng Bus sa sinusundang sasakyan subalit nabulaga ito sa kasalubong na Jeep kaya nabangga ang kanang bahagi dahilan para mawalan ito ng kontrol at bumangga sa isang puno ng niyog hanggang sa tumagilid sa kalsada. Nick Echavarria
