MARAMING naniniwalang opisyal sa Philippine National Police (PNP) na hindi matatanggal sa pagiging direktor ng National Capital Region Police Office (NCRPO) si Major General Debold Sinas kahit patuloy na namamayagpag ang iba’t ibang ilegal na sugal sa Metro Manila (MM).
Ang isyung tanggalan ng mga regional director (RD), kabilang na ang RD ng NCRPO, ay galing mismo kay PNP Chief, General Archie Francisco Gamboa, na nag-utos nitong Pebrero 22 na “isang linggo” ang kanyang ibinigay sa mga heneral upang tuldukan ang jueteng at iba pang uri ng ilegal na sugal sa bansa.
Binalaan ni Gamboa na siguradong tatanggalin niya sa puwesto ang hindi tutugon at hindi magpapatupad ng kanyang direktiba.
Nakarating sa Saksi Ngayon na hanggang sa kasalukuyan ay patuloy ang jueteng operation ng mga kilala nang matitikas at beterano sa nasabing ilegal na sugal na sina alyas “Santos,” alyas “Don Ramon,” alyas “Boy Abang,” alyas “Tee Pang” at ang pinakabagong nakalap na impormasyon ay si alyas “Archie.”
Ayon sa iba’t ibang taong napagkunan ng mga impormasyon, ang operasyon ni alyas Santos ay Marikina, Pasig, Pateros at Taguig.
Si alyas Don Ramon naman ay mula Quezon City hanggang Caloocan, Malabon, Navotas at Valenzuela.
Iba pa ang jueteng business niya sa maraming lungsod at bayan sa Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at Quezon (Calabarzon), diin ng source mula sa rehiyong ito.
Bukod kay alyas Don Ramon, nakalatag din ang pa-jueteng ni alyas Archie sa Camanava, pahayag ng source.
Bukod sa jueteng, alam ng maraming residente ng Camanava na patuloy pa rin ang malawak na negosyo ng video karera (VK) ni alyas “Recto” sa nasabing mga lugar.
Lumalampas ito sa boundary ng lungsod ng Caloocan, kaya pasok sa VK business ni alyas Recto ang Quezon City, diin ng mga taong nakaaalam sa ilegal na negosyo ng alyas Recto na ito.
Si alyas Boy Abang naman ay beterano na sa ilegal na sugal sa Maynila.
Ang bago kay alyas Boy Abang ay “kontrolado” umano nito ang bookies ng small town lottery (STL) ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) at karera sa buong Maynila.
Matunog sa pamahalaang lokal ng Maynila na si alyas Boy Abang ay ‘malakas’ at mayroong ‘ relasyon’ kay Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso.
Sa Cubao hanggang Nepa Q-Mart naman ang sinasabing bookies ng STL ni alyas Tee Pang.
Matatandaang sinabi ni Gamboa sa media na alam ng kanyang tanggapan ang mga opereytor ng mga ilegal na sugal sa buong bansa.
Kaya, inaasahan niya na tatalima ang mga RD sa kanyang kampanyang “anti-illegal gambling,” kabilang na si Sinas.
Ayon sa iba’t ibang personahe sa PNP, malabong matanggal sa NCRPO si Sinas, sapagkat unang-una, “bata” ito ni Gamboa.
Si Gamboa umano ang naggiit na ilagay si Sinas sa NCRPO noong Oktubre mula sa Rehiyong Central Visayas.
Si Sinas ay nagtapos sa Philippine Military Academy (PMA) noong 1987, samantalang 1986 naman si Gamboa.
Kaklase ni Sinas sina Major General Guillermo Lorenzo Eleazar at Major General Joel Coronel.
Higit sa lahat, ‘ubod nang lakas’ ni Sinas sa nagretirong ‘batang’ opisyal sa PNP na itinalaga ni Pangulong Rodrigo Duterte sa isang pinaniniwalaang “juicy position” sa isang ahensiya ng pamahalaan bilang “general manager.” NELSON S. BADILLA
276 