IBINASURA ng Korte Suprema ang mga petisyon para sa indirect contempt laban kina Secretary Larry Gadon, Cong. Perci Cendaña, at political analyst Richard Heydarian.
Tinanggihan ng mataas na hukuman ang mga reklamong inihain ng mga abogadong sina Mark Tolentino, Rolex Suplico, at Ferdinand Topacio.
Nag-ugat ang kaso sa mga pahayag at social media posts ng tatlo na naging kritikal sa desisyon ng Korte Suprema nang ibasura ang unang impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte.
Iginiit ng mga abogado sa petisyon na nakasasama ito sa integridad at pagiging independent ng hudikatura, at maaaring magdulot ng pagkawala ng tiwala ng publiko sa Korte Suprema.
Ngunit ayon sa SC, ang pagpuna sa mga desisyon at polisiya nito ay bahagi ng pinakaprotektadong anyo ng political expression.
Binigyang-diin pa ng korte na kinakailangang may malinaw at agarang panganib ito sa administrasyon ng hustisya, at may intensyon na hikayatin ang publiko na mawalan ng tiwala sa hudikatura.
Sa kasong ito, hindi umano napatunayan na ang mga pahayag ng mga respondent ay umabot sa ganitong antas.
Mahalaga umanong mapanatili ang espasyo para sa malayang talakayan at kritisismo sa mga usaping may malaking interes sa publiko, lalo na sa panahon ng social media kung saan mabilis kumalat ang opinyon at impormasyon.
Pero nagbabala rin ang korte na hindi ‘absolute’ ang kalayaan sa pagpapahayag at maaari pa ring maparusahan kung may malinaw na layuning manira o magdulot ng pinsala sa hudikatura.
(JULIET PACOT)
38 