HINDI ko alam kung saan nanggaling ang impormasyon ni Senador Richard Gordon na ang ilang mga Chinese na nagtratrabaho sa mga POGO (Philippine Offshore Gaming Operators) ay nagsasagawa ng “espionage” o paniniktik dito sa ating bansa.
Sa pagkakaalam ko, lahat naman ng mga bansang may embahada dito sa Pilipinas ay may “political officers” o di kaya ay “trade and economic attaches” na ang pangunahing tungkulin ay mangalap ng impormasyon sa pulitika at ekonomiya na may kinalaman sa interes ng kanilang bansa.
Mismong ang Pilipinas ay may mga tinatawag na DAFA o Defense and Armed Forces Attache sa ating mga embahada sa ilang piling bansa dito sa Asya, Amerika at maging sa Europa. Gaya ng kanilang counterpart sa CIA at iba pang foreign intelligence agencies, may “listening posts” ang ating mga DAFA at kasama sa kanilang trabaho ang “intelligence sharing” sa mga alyado gaya ng US.
May police attache na rin tayong ipinoposte sa ilang embahada gaya ng Pakistan kung saan may mga hinihinalang terorista na dumadaan sa naturang bansa bago magpunta sa Pilipinas gaya ng nangyari kay Ramzi Yousef na may kinalaman sa 1993 World Trade Center bombings at ang planong pagpapasabog sa Philippine Airlines flight to Japan noong 1994 at ang tangkang asasinasyon kay Pope John Paul II noong January 1995.
Estados Unidos pa rin ang may pinakamalaking intelligence network dito sa Pilipinas at kabilang sa kanilang mga “network” ang mga opisyal ng AFP at Philippine National Police na nabigyan ng libreng schooling sa US na nagpapatuloy hanggang ngayon.
Kapag nga sinabing “political section” sa US Embassy dito ay malamang sa hindi ay mga opisyal o empleyado ng Central Intelligence Agency ang mga miyembro nito na tinatawag na political officers sa embahada.
Sa kasaysayan ng Pilipinas, CIA ang may track record ng pakikialam sa pulitika sa Pilipinas at ang klasikong ehemplo nito ay ang pagpapanalo kay Ramon Magsaysay noong 1952 laban sa nakaupong pangulo na si Elpidio Quirino.
Nauna rito, aktibo rin ang partisipasyon ng CIA sa katauhan ni Lt. Col. Edward Lansdale sa mga Huk na nasa ilalim ng Partido Komunista ng Pilipinas. Si Magsaysay ang defense secretary noon ni Quirino at ang pagkatalo ng mga Huk ang naging tuntungan ni Magsaysay para sa panguluhan sa tulong ng CIA.
Maging si dating Pangulong Diosdado Macapagal ay sinuportahan din ng CIA at mismong station chief sa Pilipinas na si Joseph Smith ay naging matalik na kaibigan ng pangulo.
At kung gaano katindi ang espionage na isinasagawa ng US sa Pilipinas, ganoon din namang katindi ang parusang ipinapataw ng US sa mga taong nahuhuli sa akto ng paniniktik gaya nang nangyari sa Filipino American na si Leandro Agoncillo na nasa staff ni Vice President Richard Cheney nang mahuling nagpapasa ng mga “classified information” sa mga miyembro ng oposisyon dito sa Pilipinas.
Siguradong may counterpart din ang CIA sa Chinese Embassy dito sa Pilipinas pero sa kasaysayan ng Pilipinas ay wala pa ring tatalo sa CIA kung espionage at clandestine operations ang pag-uusapan. RAYMOND BURGOS
187 