INIUTOS ni San Juan City Mayor Francis Zamora ang pagpapasara sa Muslim prayer room sa Greenhills.
Ito ang direktiba ng alkalde matapos kumpirmahin ng Department of Health ang panibagong kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Nabatid sa ulat na madalas puntahan ang nasabing lugar ng Pinoy na nagpositibo sa COVID-19.
Bunga nito, inatasan ni Zamora ang City Health Department na magsagawa ng disinfection sa nasabing lugar.
Ipinahahanap na rin ng alkalde ang mga taong nakahalubilo ng Pinoy na nagpositibo sa COVID-19. Huli umanong nagtungo roon ang pasyente noong huling linggo ng buwan ng Pebrero.
Hinikayat naman ni Zamora ang publiko na maging kalmado sa kabila ng panibagong kaso ng COVID-19 at umapela na gawing regular ang paghuhugas ng kamay, paggamit ng hand sanitizer at tamang paraan ng pag-ubo.
Nakiusap din ang alkalde sa mga taong may ubo at lagnat na magtungo sa San Juan Medical Center upang maisailalim sa pagsusuri ng mga doktor. KNOTS ALFORTE
