PUSPUSAN pa rin ang imbestigasyon ng Philippine National police (PNP) sa pagbagsak ng chopper na sinasakyan nina PNP Chief Archie Gamboa at iba pang police officials sa Laguna.
Nabatid kay Special Investigation Task Group (SITG) Commander at PNP Deputy Director General for Operations Lieutenant General Guillermo Eleazar, maraming dahilan ang pagbagsak ng naturang chopper kaya kumakalap pa sila ng sapat na impormasyon bilang bahagi ng proseso ng kanilang imbestigasyon.
Ayon sa opisyal, tatlong anggulo ang tinitingnan nilang posibleng dahilan ng pagbagsak ng helicopter.
Isa na rito ang pilot error, airworthiness o kondisyon ng chopper at ang landing tight preparation o kung nasunod ba ang mga standard operating procedure at protocols sa landing at take-off.
BINISITA
NI GAMBOA
Samantala, pasado alas-7 ng gabi nitong Biyernes ay dinalaw ni PNP Chief Gamboa ang isa sa dalawang heneral na
kritikal ang kalagayan matapos ang chopper crash.
Pinuntahan ni Gamboa si PMaj. Gen. Jose Maria Ramos sa Unihealth Southwoods Hospital sa Biñan, Laguna upang alamin ang kondisyon nito.
Kasama ni Gamboa si Ramos at iba pang matataas na opisyal ng PNP na tutungo sana sa Camp Vicente Lim upang mag-command visit nitong Huwebes, March 5 nang mangyari ang aksidente.
Hindi dumiretso sa kampo ang grupo dahil dumaan ang mga ito sa San Pedro, Laguna upang bisitahin ang impounding area ng Highway Patrol Group (HPG 4-A) ngunit nang papaalis na ang mga ito sumabit sa kawad ng kuryente ang bahagi ng chopper na nagdulot ng pagbagsak nito.
CYRILL QUILO
277 