DOH HINAMON NG SOLON MAGPAKATOTOO SA COVID-19 REPORT

UMAPELA si Bayan Muna party-list Rep. Carlos Zarate sa Department of Health (DOH) na magpakatotoo sa tunay na kalagayan ng bansa sa COVID-19 upang hindi ito magaya sa swine flu na sinabing tapos na subalit lalong lumala.

Ginawa ni Zarate ang pahayag matapos magdeklara ng Code Red ang DOH sa COVID-19 makalipas ang tatlong buwan nang i-report ng Cardinal Santos Medical Center na nagkaroon ito ng pasyente na positibo sa COVID-19.

“We do not want a repeat of what happened with the government handling of the African Swine Flu (ASF) saying that it was already contained but cases again appeared in other parts of the country,” ani Zarate.

Sa ngayon ay anim na umano ang positibo sa COVID-19 bagay na pinagdududahan ng marami dahil tanging ang Pilipinas umano ang may pinakamababang kaso nito.

Kasabay nito ay nagbabala ang kongresista sa gobyerno na huwag gamitin ang nasabing virus para mangutang muli. Malaki umano ang intelligence at travel fund ng Office of the President na puwedeng gamitin dito kaya hindi dapat ibaon sa utang ang mamamayang Filipino sa problemang ito.

ILIBRE SA BUWIS
Iginiit naman ni Quezon City Rep. Precious Hipolito-Castelo sa Kongreso na gumawa ng batas para ilibre sa buwis ang face mask, sanitizer at iba pang produkto at gamot na panlaban sa mga ganitong uri ng virus.
“Our goal is to make these currently important health products available in the market and enable consumers to buy them at cost,” pahayag ni Castelo.

Nanawagan naman si BH party-list Rep. Bernadeth Herrera sa gobyerno na agad asistehan ang mga manggagawa na naaapektuhan at maaapektuhan ng COVID-19.

Ayon sa mambabatas, sa ngayon ay 7,000 na umano ang mga manggagawa na nawalan ng trabaho dahil sa COVID-19 at inaasahang madaragdagan pa ang mga ito kapag hindi agad natapos ang problema. BERNARD TAGUINOD

160

Related posts

Leave a Comment