NANG halos nagkakaisa na ang league owners na gawin ang mga laro nang walang fans sa arena, nagdesisyon ang NBA na suspendihin ang season nito “until further notice.”
Ito’y kasunod nang pag-positibo ni Utah Jazz center Rudy Gobert sa coronavirus, na naging dahilan para biglang kanselahin sa huling sandali ang laro kontra Oklahoma Thunder kahapon.
“The NBA is suspending game play following the conclusion of tonight’s schedule of games until further notice,” saad ng statement ng NBA.
“The NBA will use this hiatus to determine next steps for moving forward in regard to the coronavirus pandemic.”
Nagwa-warm-up ang Utah at Oklahoma nang biglang pabalikin sa kani-kanilang dug-out ang mga manlalaro at makalipas ang 30 minuto ay inanunsyong ‘postponed’ ang laro “due to unforeseen
circumstances.”
Ilang minuto pa, inihayag ang test result, kung saan sinabing nagpositibo si Gobert sa nasabing virus.
Una rito, noong Lunes sa post-game conference ay nagbiro si Gobert hinggil sa virus at kanyang hinawakan pa ang bawat mikropono at recorfers ng mga reporter na nasa ibabaw ng conference
table. Ito’y sa kabila ng pagbabawal ng liga na humawak sa kahit anong bagay.
Ipinagbawal din ng NBA ang autograph-signing at handshakes upang makaiwas sa virus.
Bago ang anunsyo ng NBA, natapos na muna ang apat sa mga larong nakatakda kahapon, kung saan tinalo ng Philadelphia 76ers ang Detroit Pistons, 124-106; nanalo rin ang Charlotte Hornets
kontra Miami Heat, 109-98; tinalo ng Dallas Mavericks ang Denver Nuggets, 113-97; at nagwagi naman ang New York Knicks laban sa Atlanta Hawks, 136-131. (VTRomano)
182 