DAVAO CITY – Kinumpirma ng isang opisyal ng Davao Regional Medical Center (DRMC) sa Tagum City, na patuloy ang paggaling ng unang pasyente sa Davao Region na nagpositibo sa corona virus disease (COVID 19).
Ayon kay Dr. Bryan Dalid ang chief of hospital ng DRMC, wala nang ubo at lagnat ang pasyente at patuloy ang pagbuti ng kondisyon nito.
Sa kabila nito, maraming local government unit na ang nagpatupad ng lockdown at community quarantine upang maagapan ang pagkalat ng virus.
Sa lungsod ng Digos sa Davao del Sur, ipinag-utos na ni Mayor Josef Fortich Cagas ang community quarantine at bawal na ring makapasok ang mga pribado at publikong sasakyan mula sa Tagum City at Iligan City.
Sa talaan ng Provincial Health Office, mayroong siyam na patients under investigation (PUI) ang dinala sa Southern Philippine Medical Center (SPMC) sa Davao City at nasa 172 ang persons under monitoring (PUM) sa Davao del Sur.
Inihanda na rin ng ospital sa lalawigan ang anim na isolation rooms kung sakaling madagdagan ang mga PUI.
Sa bayan ng Sta. Cruz, Davao del Sur, nagpalabas na rin ng Executive Order (EO) si Mayor Jaime Lao at kasali rito ang implementasyon ng curfew hours.
Gagamitin munang isolation room ang kanilang Municipal Health Office at Senior Citizen’s building.
Ngayong araw, nakatakdang magpalabas ng bagong executive order si Davao del Sur Governor Douglas Cagas upang isailalim sa curfew ang buong lalawigan mula alas-8:00 ng gabi hanggang alas-5:00 sa susunod na araw.
Kasali sa EO ang pagkansela ng lahat ng mga misa sa mga simbahan at kapilya.
Sa South Cotabato, kinansela muna ni Governor Reynaldo Tamayo Jr., ang pagpapasok ng mga turista sa sikat na Lake Sebu.
Kasali sa utos ng gobernador ang lockdown at ang lahat ng sasakyan na daraan sa kanilang lalawigan ay kailangang magpresenta ng mga dokumento pagdating sa checkpoints.
Kinansela rin ang mass gatherings at inabisohan ang publiko na manatili sa bahay kung walang importanteng pupuntahan. (DONDON DINOY)
227 