BAGAMA’T maraming mga establisimyento at sektor ng transportasyon ang sumunod sa unang araw ng pagpapatupad ng enhance community quarantine (ECQ) nitong Martes, naging maluwag pa rin ang kilos ng marami sa mga taga probinsya.
Sa kahabaan ng Maharlika highway sa lalawigan ng Quezon, marami pa ring mga motorista partikular ang mga private vehicle ang bumagtas sa buong maghapon.
Marami rin ang nanatiling nasa labas ng kanilang mga bahay at ang iba ay gumagala pa sa mga sentro ng lugar.
Umaga pa lamang ay dumagsa na ang mga mamimili sa iba’t ibang bukas na groceries at tindahan sa lungsod bilang paghahanda sa kanilang mga pangangailangan sa mga susunod na araw.
Sarado ang mga mall sa lungsod ng Lucena pero bukas ang kanilang mga grocery section at mga bangko na nasa loob ng establisimyento.
Sa Lucena City grand central terminal, kanselado ang lahat ng biyahe ng mga kumpanya ng bus patungo at pabalik sa Maynila bagamat may mangilan-ngilan na mga UV Express at mga pampasaherong van ang naghahatid sa mga stranded na pasahero.
Limitado lamang sa rolling cargoes na may dalang suplay ng pagkain, mga gamit at goods na pangunahing pangangailangan ang mga lumalayag na barko sa Lucena City port na patungo sa Marinduque.
Ayon sa Philippine port Authority, tanging ang mga pasahero na may exemption sa ECQ ang pwedeng isabay at pasakayin sa mga barko.
Inaasahan naman na mas magiging mahigpit ang pagpapatupad ng mga awtoridad sa mga panuntunan sa ECQ sa mga susunod na araw. NILOU DEL CARMEN
196 