BUKIDNON – Patay ang dalawang miyembro ng barangay health worker at barangay kagawad habang isa pa ang malubha ang kalagayan nang araruhin ng truck ang community quarantine control point noong Biyernes ng gabi sa lalawigang ito.
Kinilala ang mga namatay na sina Jomalyn Buhayon, 34, at Margie Maribao, kapwa mga BHW ng Camp-1, habang namatay naman sa ospital si Brgy. Kagawad Aldren Gaitera.
Samantala, patuloy na inooberbahan sa ospital si Beth Lumanca, isa ring BHW.
Nadakip naman ang suspek na kinilalang si Jemuel Ompoc, driver ng truck at residente ng nasabing lugar.
Batay sa report ng Bukidnon-PNP, dakong alas-11:50 ng gabi nang mangyari ang insidente sa Sayre Highway, Camp-1, Maramag ng nasabing lalawigan.
Lumabas sa imbestigasyon, nagsasagawa ng checkpoint ang mga awtoridad kasama ang mga biktima dahil COVID-19 lockdown, nang dumaan ang suspek habang minamaneho ang truck.
Nugnit imbes na huminto ay pinaharurot ng suspek ang truck naging dahilan ng pagkamatay ng tatlong biktima at ikinasugat ng isa pa.
Napag-alaman, nasa impluwensiya umano ng alak ang suspek nang mangyari ang insidente. (ANNIE PINEDA/DONDON DINOY)
