ISA na namang doktor ng Philippine Heart Center ang namatay matapos dapuan ng COVID-19.
Ang pagpanaw ni Dr. Raul Diaz Jara, dating PHA President at isang cardiologist, ay inanunsyo Sa Facebook ng anak na si Paolo Cecilio A. Jara. Sa post ng batang Jara nakasaad na “My dad died 2:16 am March 24, 2020 fighting Covid-19, he is a Doctor in Philippine Heart Center”.
Nagluluksa ang buong medical team sa bansa sa pagpanaw ni Dr. Jara.
Nauna nang nagpahayag si Philippine Medical Association (PMA) president Jose Santiago, Jr. na sana ay wala nang sumunod na mamatay sa kanilang hanay at iba pang
health workers dahil sa nasabing virus.
Kabilang sa apat na mga binawian ng buhay sa COVID-19 sina Israel Bactol, isa ring cardiologist sa Philippine Heart Center; Greg Macasaet, anesthesiologist mula sa
Manila Doctors Hospital; Rose Pulido, medical oncologist ng San Juan de Dios Hospital at isang pulmologist mula sa Pangasinan.
Nauna nang napaulat na may 9 pang doktor ang nahawa ng COVID-19 na nasa iba’t ibang ospital sa bansa.
Marami pang doktor at medical workers ang iniimbestigahan sa “developing symptoms”
kasama na si Edsel Maurice Salvana, director ng Institute of Molecular Biology and Biotechnology, University of the Philippines (UP)-Manila’s National Institute of Health na partner ng Department of Health (DOH).
Kamakalawa, nanawagan si Dr. Antonio Ramos ng Philippine Heart Center na nanganganib na mahawa ng COVID-19 ang mga doktor dahil kinakapos na sila sa Personal Protective Equipment (PPE). JOEL O. AMONGO
