GEN. SANTOS City –Bumulagta sa sementeryo ang tatlong hinihinalang tulak ng ilegal na droga, kabilang ang isang pulis matapos umanong manlaban sa buy-bust operation, iniulat ng pulisya nitong Biyernes ng umaga sa lungsod na ito.
Kinilala ang napatay na mga suspek na sina ex-Patrolman Joel Labuen, Anthony John Rosales, 40, at Gary Montero, 37, pawang mga residente ng Poblacion, Polomolok, South Cotabato.
Batay sa report ng Regional Police Drug Enforcement Unit 12, dakong alas-7:00 ng gabi nang isagawa ang operasyon sa sementeryo sa Purok Aquino Gate, Cannery, Polomolok.
Habang nasa kalagitnaan ng transaksyon, nakatunog ang mga suspek na pulis ang kanilang kausap kaya nagpaputok ang mga ito dahilan para napilitang gumanti ng putok ang mga pulis at tinamaan ang tatlo.
Isinugod ang mga suspek sa Dr. Howard Hubbard Hospital ngunit idineklarang dead on arrival.
Napag-alaman, natanggal sa serbisyo si Labuen dahil sa pagkakasangkot sa ilegal na droga. (ANNIE PINEDA)
