LAGUNA-Pinaghuhuli ang mga pasaway na lumabag sa pinaiiral na Enhanced Community Quarantine sa lungsod ng Calamba.
Umabot sa 188 ang hinuli ng Public Order And Safety Office o POSO na nagmula sa iba’t ibang barangay at kinabibilangan ng kabataan, kababaihan at senior citizen na lumabag sa itinakdang curfew hour.
Pinatayo at sinermunan ni Mr. Jeffrey Rodriguez, chief ng POSO sa ”The Plaza“ ni Dr. Jose Rizal ang lahat ng nahuling sumuway na nagmula pa sa 54 barangay ng nasabing lungsod.
Ayon pa kay Rodriguez,”aaraw-arawin na namin ang panghuhuli sa matitigas ang ulo at ayaw sumunod sa batas.
Sa unang araw ng paghuli, inilista namin ang kanilang pangalan maging sa ikalawang pagkakataon na sila ay mahuhuli, ililista muli ang kanilang pangalan at pag umabot na sa ikatlong pagkakataon, sasampahan na sila ng patong-patong na kaso sa pulisya dahil sa paglabag sa City Ordinance,” dagdag pa ni Rodriguez.
Madalas ang quarantine pass ang inaakala ng iba na magiging daan nila upang makalabas ng bahay kahit tapos na ang oras ng pamamalengke para lang makaikot sa lungsod. CYRILL QUILO
