BABAGSAK ang ekonomiya ng bansa kung palalampasin pa ang enhanced community quarantine (ECQ) sa Abril 14, ayon sa mga negosyante.
Dahil sa pananaw na ito ng malalaking negosyante, pag-aaralan ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF) ang kolektibong mungkahi ng mga negosyante na ipatupad ang “modified quarantine” o “barangay-based
quarantine” pagkatapos ng ECQ sa Abril 14, ayon sa tagapagsalita ng IATF na si Cabinet Secretary Karlo Nograles.
Inihayag ni Nograles ang pag-aaral ng IATF makaraang makipagdayalogo ang malalaking negosyante tulad nina Hans Sy, Lance Gokongwei, Jaime Zobel de Ayala at Michel Tan sa IATF nitong Marso 29.
Ang buong Luzon ay isinailalim ni Pangulong Rodrigo Duterte sa ECQ na matatapos sa Abril 14.
Ang layunin ni Duterte ay upang mapigilan ang pagkalat ng novel coronavirus disease – 2019 (COVID – 19) sa mamamayan.
Dahil dito, napakalimitado ng galaw ng ekonomiya, sapagkat ipinatigil ang lahat ng negosyo, maliban sa produksiyon at pagbebenta ng pagkain at gamot.
Hinayaan din ng pamahalaang bukas ang mga bangko.
Binanggit ni presidential adviser for entrepreneurship Joey Concepcion, isa sa mga dumalo sa unang teleconference ng IATF sa mga negosyante, na higit na nakatatakot kumpara sa pagkalat ng COVID-19 kapag tuluyang bumagsak ang ekonomiya.
Ani Concepcion, posibleng dumausdos ang kita ng bansa sa 30 porsiyento dahil maraming industriya ang hindi gumagalaw dahil sa ECQ.
“The goal is while we have to guard against the virus, we have to start reviving the economy,” tugon ni Concepcion.
Mungkahi ng mga negosyante na payagan ni Duterte na gumana ang pampublikong transportasyon kahit sa “limitadong” konsepto.
Buksan ang manufacturing sector at tanggalin din ang mga checkpoint sa national roads at highway, banggit nila.
Nilinaw ng mga negosyante na kahit magkaroon ng modified quarantine ay tuluy-tuloy pa rin ang harap at pagresolba sa COVID-19. NELSON S. BADILLA
269 