IREREKOMENDA ng Department of Trade and Industry (DTI) sa Inter-Agency Task Force (IATF) ang gradual na pagtanggal ng enhanced community quarantine sa Luzon.
Sa Laging Handa public briefing ay sinabi ni DTI Sec. Ramon Lopez na pabor sila sa panukala ng sector ng negosyo na gawin lamang gradual o moderate ang pagtatanggal ng ECQ sa Luzon.
Batay aniya sa kanilang gagawing rekomendasyon sa IATF, tanging ang mga negosyong may kaugnayan sa produksyon at manufacturing ng mga pagkain at iba pang essential goods ang papayagang makapag-operate muli.
Ang ibig sabihin aniya ay ang mga manggagawa ng mga negosyong ito na may kinalaman sa pagpapanatili ng supply chain ay papayagan na ring makalabas o makabalik sa trabaho pagkatapos ng Abril 14 o ang itinakdang pagtatapos ng enhanced community
quarantine, basta susunod pa rin sa bagong norm o ang tinatawag na physical distancing.
Patuloy pa rin, ayon sa Kalihim na ipagbabawal ang mass gathering activities kapag tinanggal na ang ECQ sa ilang sector.
Sa kabilang dako, irerekomenda rin nila sa IATF na pahabain ang oras ng bukas ng mga grocery store at supermarkets.
Ito, ayon kay Sec. Lopez ay para mabigyan ng mahaba-habang oras na makapamili ang mga tao nang hindi sila naiipon at maiiwasan ang masyadong maraming tao sa mga pamilihan. CHRISTIAN DALE
160 