UMAPELA si Davao City Rep. Paolo Duterte sa Bureau of Customs (BOC) sa Davao City na i-donate na sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang mga nakumpiska at inabandonang shipment ng mga bigas at pagkain.
Ginawa ni Duterte ang panawagan upang maipamahagi na ang mga ito sa mga tao na apektado ng enhanced community quarantine (ECQ).
Ayon sa anak ni Pangulong Rodrigo Duterte, may 100 hanggang 300 container ng bigas ang inabandona o kaya nakumpiska ng BOC sa Davao bukod sa 100 hanggang 300 containers ng mga dried fish.
“We will have these turned over to DSWD. But we urge them to ease the process so we can distribute these to families as soon as possible. We know that there is a process but this should be treated with urgency. We need to feed the people and these could help,” ani Duterte.
Upang mabilis na maisagawa aniya ito, kailangang simplehan na ng BOC ang proseso sa pagpapalabas sa mga abandonadong shipment na ito lalo na ngayon na maraming nangangailangan ng tulong.
Samantala, kinalampag ni Senador Imee Marcos ang BOC sa makupad na pagpapalabas ng 800 containers na naglalaman ng gamot at pagkain dahil malalagay sa alanganin ang kalusugan ng mamamayan kapag hindi naresolbahan ang gusot sa Port of Manila habang patuloy na kinokontrol ng gobyerno ang pagkalat ng COVID-19.
Sa pahayag, sinabi ni Marcos na nakatengga sa Manila International Container Terminal (MICT) ang mahigit sa 800 na 20-foot refrigerated container vans o tinatawag na reefers na may lamang imported na gamot, pagkain at iba pang mga pangunahing pangangailangan.
Ang nasabing reefers ay kabilang sa halos 40,000 container vans na hindi pa rin nailalabas at kasalukuyang nakatambak sa MICT, bunsod ng gusot sa pagitan ng mga ahensya ng gobyerno, port operator at shipping lines habang sa kabilang banda naman ang mga importer, broker, forwarders at truckers.
Duda ng mambabatas, pinatatagal lang ng mga importer at mga ahente na nakaimbak ang kanilang mga kargamento sa MICT para tumaas ang presyo nito bunsod ng matinding pangangailangan ng publiko.
Pero giit ng mga broker, pumapalo sa P20,000 ang nalulugi sa kanila kada araw sa bawat container van na nananatiling naka-tengga lang sa pantalan dahil bumagal ang pagproseso ng kanilang mga dokumento at bayarin bunsod ng pinatutupad na lockdown. BERNARD TAGUINOD, ESTONG REYES
182