ARESTADO ang isang 38-anyos na construction worker matapos umanong patayin ang isang pusa sa Barangay Santolan, Pasig City.
Sa ulat, isang traffic enforcer ang nakakita sa pusa na wala nang buhay kaya agad itong ini-report sa Barangay Santolan Animal Control Office.
Agad namang rumesponde ang mga animal control officers katuwang ang barangay security force, na nagresulta sa mabilis na pagkakakilanlan at pagkakaaresto sa suspek.
Makikita sa CCTV footage na mahigpit umanong itinali ng suspek ang pusa bago isinabit sa isang poste.
Ayon sa National Capital Region Police Office (NCRPO), isinagawa ang pag-aresto nitong umaga ng Mayo 14, 2026 sa isang public plaza matapos matukoy ang suspek sa pamamagitan ng CCTV footage.
Nahaharap ngayon ang suspek sa kasong paglabag sa Republic Act 10631 o Animal Welfare Act, na nagbabawal sa anomang uri ng pagmamalupit, kapabayaan, at pananakit sa mga hayop.
Ayon kay NCRPO Regional Director PMGen. Anthony Aberin, hindi namimili ng pinoprotektahan ang mga awtoridad at anomang uri ng kalupitan ay may kaakibat na pananagutan sa ilalim ng batas.
Patuloy namang hinihikayat ng NCRPO ang publiko na agad i-report sa mga awtoridad o sa 911 hotline ang anumang insidente ng animal cruelty upang agad itong maaksyunan at mabigyan ng kaukulang hustisya.
(TOTO NABAJA)
91 