MAAARING i-extend ng hanggang 15 araw lamang ang enhanced community quarantine (ecq) na ipinatutupad ngayon sa Luzon para mapigilan ang pagkalat ng COVID-19.
Subalit nilinaw ni Sec. Carlito Galvez, chief implementer ng national policy ng pamahalaan laban sa COVID-19 na masusi pa nilang pinag-aaralan kung mae-extend nga ang ecq na magtatapos sa Abril 12.
“Premature po kung mag-a-announce tayo ngayon, pero i-involve natin ang mga scientists natin, and ating mga doktor, specialists na titingnan po ang mga reference model ng ibang bansa. Mahirap na mag-rush tayo sa normalcy tapos babalik sa lockdown. May mga countries, dalawa, tatlong lockdown sila kasi pag nare-relax, bumabalik ang surge ng new cases. Pag-aaralan natin na isang bagsak na lang na ma-extend natin ng 15 days para ma-sustain natin ‘yung magandang nagawa ng lockdown,” ayon kay Sec. Galvez.
Ani Sec. Galvez ang lockdown na ipinatutupad sa Luzon at iba pang lugar ay pinaniniwalaang nagpabagal sa pagtaas ng bilang ng COVID-19 cases.
“Maganda po ang nagawa ng lockdown. Na-slow down ng lockdown ang spread ng virus. With that, nakita namin isa na malaki ang possibility na magkakaroon ng lockdown ng 15 more days,” anito.
Subalit, iyon nga lamang sa ikatlong linggo ng ecq ay paakyat pa aniya ang bilang ng mga kaso ng COVID-19.
“Hindi pa po siya nagpa-plateau. Metro Manila lalo na sa Quezon City at areas ng Regions III and IV — itong mga regions na ito ang contamination ay mataas,” ani Galvez. CHRISTIAN DALE
219 