MALAKI ang paniniwala ni Senador Win Gatchalian na posibleng tumaas ang insidente ng domestic violence sa harap ng umiiral na enhanced community quarantine (ECQ) o lockdown.
Kaya nararapat aniyha na tiyakin ng Inter-Agency Council on Violence Against Women and Their Children (IACVAWC) ang implementasyon ng Anti-Violence Against Women and Their Children Act of 2004 (RA 9262).
Sa pahayag, sinabi ni Gatchalian na nakitang umakyat ang kaso ng karahasan sa kabataan at kababaihan sa bansang nagpapairal ng lockdown dahil sa COVID-19.
“Nananatili ring suliranin sa bansa ang patuloy na karahasan laban sa mga kabataan at kababaihan. Ayon sa Center for Women’s Resources, may isang bata o babae sa bansa ang nakararanas ng pang-aabuso sa bawat sampung (10) minuto,” ayon kay Gatchalian.
Ayon pa sa senador, mula Abril hanggang Hunyo noong nakaraang taon, lumalabas na halos sampung libong (9,935) kaso ang naitala ng Philippine National Police-Women and Children Protection Center (PNP-WCPC).
Dahil dito, naniniwala si Gatchalian na maaaring maging sanhi ang patakaran sa enhanced community quarantine (ECQ) ng mas maraming kaso ng pang-aabuso sa tahanan.
“Mas mahihirapan din ang mga biktima na lumabas sa kanilang mga tahanan upang makahingi ng tulong.”
Aniya, sa bansang France, umakyat ng 36 porsyento ang kaso ng pang-aabuso sa Paris at 32 porsyento naman sa ibang bahagi ng bansa.
Kabilang sa mga ito ang dalawang kaso ng pagpatay. Siyam (9) na araw naman matapos magsimula ang lockdown sa Malaysia, iniulat ng helpline ng Women and Family Development Ministry na umabot sa halos animnapung (57) porsyento o halos isang libo’t siyam na raan (1,893) ang karagdagang tawag na natanggap nito.
“Kahit na nasa ilalim tayo ng isang enhanced community quarantine, patuloy dapat ang pagkilos ng mga ahensya ng ating gobyerno na nagbibigay proteksyon sa mga inaabusong kababaihan at kabataan. Hindi natin dapat hayaang maging talamak ang karahasan lalo na’t nasa gitna tayo ng isang krisis,” ani Gatchalian na siyang chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture.
Binigyang-diin ni Gatchalian ang mahalagang papel ng mga barangay dahil sila ang pinakamalapit sa mga biktima at mga saksi ng pang-aabuso. ESTONG REYES
346
