Expose ni Arnold Clavio suportado ng frontliners at QC residents BELMONTE, KAILAN KA HULING NAGPUNTA SA EAMC? – IGAN

SINUPALPAL ng netizens si Quezon City Mayor Joy Belmonte nang sagutin nito na “fake news” ang mga rebelasyon ng batikang broadcaster na si Arnold ‘Igan’ Clavio kaugnay sa mga bangkay na naiipon sa isang ospital sa lungsod dahil hindi na ito magkasya sa kanilang morgue.

Agad binuweltahan ni Igan ang tugon ng alkalde at nag-post sa kanyang Instagram account ng: “Idilat ninyo ang mga mata ninyo, at maitanong ko lang, bilang lider, tagapamuno, at kapitbahay ng naturang hospital, kailan kayo huling nagpunta sa EAMC para kausapin ang mga frontliner dito?”

Sinuportahan naman ng netizens si Igan at kinondena ang alkalde sa mistulang pagtatago umano sa tunay na sitwasyon sa ospital sa kanyang nasasakupan.

“Arnold Clavio wouldn’t risk his credibility and reputation for nothing. If you’re attacking Igan because of so called “fake news” try ro read his statements again. He’s just asking them. Everyone has the right to know about it that’s why he posted it. He needs validation,” ang tweet ni @ItsCrystal_Gail.

Nauna rito, ibinahagi ni Igan sa kanyang IG account ang mga hinaing aniya ng ilang frontliners na nakipag-ugnayan mismo sa kanya para humingi ng tulong na maibsan ang kinakaharap nilang kalbaryo sa ospital bunsod ng pagdami ng mga nasasawi na hinihinalang dahil sa COVID-19.

Bagaman hindi agad pinangalanan ni Igan ang ospital ay lumutang din ito matapos mag-usisa ang netizens at magbigay ng kanilang opinyon partikular ang ilang nakaaalam sa sitwasyon.

Dahil umano sa kakapusan sa cadaver bags ay naipon ang mga bangkay sa hallway ng morgue na lubhang ikinatatakot ng mga health worker sa East Avenue Medical Center dahil naka-expose ang mga ito gayung dapat ay selyado.

Ayon naman sa tagapagsalita ng EAMC na si Dr. Dennis Ordoña, sa “past few days starting this week (last week), nag-

pile up ang ating cadavers, umaabot po ng 15 to 20 ang ating cadavers.”

“Yung capacity ng morgue is hanggang 5 lang,” dagdag niya.

Ibinahagi rin ni Igan ang panawagan ng isang Dr. Crystal Songcuan at ng ina ng isang frontliner dahil nangangailangan ng mga cadaver bag ang EAMC. Sinulatan din umano ni Dr. Songcuan si Senador Bong Go para matugunan ang problemang ito.

Subalit, ang tanging tugon ni Belmonte ay “fake news” ang expose na ikinagalit ng netizens dahil nagpapakita anila ito ng kawalan ng interes ng alkalde na alamin ang katotohanan.
Bukod sa pagpuna sa kahinaan ng liderato ni Belmonte, hindi rin nakalampas sa netizens na punahin ang tila walang direksyong diskarte ng namumuno ng Quezon City Disaster Risk Reduction and Management Council (QCDRRMC) na si Mike Marasigan.

Tinawag ding ‘fake news’ ni Marasigan ang isiniwalat ni Igan. kamakailan, kinampihan ng maraming netizens at residente ng lungsod si Clavio at sinabing si Marasigan ang walang kredibilidad mamuno sa isang kritikal na ahensya lalo pa’t sa panahon ng isang malaking health crisis kagaya ng dulot ng COVID-19.

Kasunod nito, pinabulaanan ng DOH na iniutos nila ang pagpapatigil sa pagbibilang ng COVID-19 death at sinabing paiimbestigahan nila ang problema sa EAMC.

Tanong ni Igan, kung talagang may regular na ulat sa Department of Health ang mga government hospital ay bakit kailangan pang magpa-imbestiga ng DOH.
Saad pa ng mamamahayag, “Nagtataka lang ako, kung itinuturing natin na bagong bayani ang mga frontliner bakit ngayon ay pinapalabas natin sila na sinungaling?”

“Hindi kredibilidad ko ang nasa linya, kundi ang buhay ng mga frontliner na humingi ng tulong sa akin upang malabas ang totoo!,” pagtatapos ni Igan. (SAKSI NGAYON NEWS TEAM)

143

Related posts

Leave a Comment