KALAGAYAN NG HEALTH SERVICE SA PINAS, NALANTAD

DPA

INILANTAD ng coronavirus 2019 o COVID-19 ang katotohanan sa masamang situwasyon ng health service sa Pilipinas dahil sa dami ng health workers ang pumanaw bunga ng salot  na  virus mula sa China.

Kung totoo ang inilabas ng John Hopkins University na ang Pilipinas ang may pinamataas na bilang ng healthcare professionals na namatay sa virus na ito.  Sobrang nakakalungkot!.

Base sa nasabing datos, ang Pilipinas ang nangunguna sa mundo dahil nagtala ito ng 9.95% sa healthcare professionals na namatay sa COVID-19 habang malayo sa pangalawa sa listahan ang Indonesia na nagtala lang ng 4.90%.

Ikatlo sa listahan ang Pakistan na mayroong 4.55%; 3.66% naman sa Argentina habang ang Mexico ay umaabot lang sa 3.61% samantalang ang Iran na minsang naging Epicenter ng COVID-19 ay 1.82%  ang naitalang fatality rate sa kanilang healthcare workers.

Ang Brazil ay nagtalaga lang ng 1.23% habang ang Italy na may pinakaraming namatay sa COVID-19 ay 0.51% lang ang naitalang namatay sa hanay ng kanilang health professsionals.

Medyo duda lang ako sa 0.33% na naitala ng China na mamatay sa kanilang health professionals dahil matagal na akong nagdududa sa bansang ito kapag katotohanan ang pinag-uusapan.

Maraming report na dinoktor nila ang totoong bilang ng mga namatay sa COVID-19 sa kanilang bansa para palabasin na magaling sila sa paghawak ng ganitong situwasyon.

Maaaring itinago nila ang bilang ng mga namatay na healthcare workers  kaya kwestiyunable sa akin ang ‘rate’ na ito ng China kaya hindi ako naniniwala sa datos na ito.

Anyway, balik tayo sa sitwasyon sa Pilipinas at maaari isa sa mga dahilan kung bakit maraming namatay na healthcare workers tulad ng mga doctor sa ating bansa ay dahil “ill equipped” sila.

Matagal na panahon na napabayaan ang sektor ng kalusugan kahit ang Department of Health (DOH) ay nasa top-5 na ahensya ng gobyerno na may pinakamalaking pondong inilalaan ang gobyerno taun-taon.

Nalantad ang katotohanan na kahit napakaraming pera ang DOH, kulang na kulang sila sa mga tao, kulang na kulang sila sa kagamitan kaya nang biglang dumating ang salot na COVID-19 ay nabulaga ang ating healthcare workers.

Napakaraming plantilla sa DOH ang hindi nilalagyan ng mga tao kahit may pondo na kaya nang sumabog ang salot na ito na nagmula sa China ay nanawagan ang ahensya ng volunteers.

Kung wala ang mga pribadong sektor na tumutulong sa health workers at mga sibilyang handang magtrabaho nang magkaroon ng coronavirus ay baka mas malala ang situwasyon ngayon. Mabuti na lang nandiyan ang mga sibilyang grupo na handang tumulong sa abot ng kanilang makakaya pero kung DOH lang ang asahan baka sa kankungan na tayong mga Filipino  pinulot sa panahong ito dahil sa patuloy na pagtaas ng bilang ng mga nagpositibo sa coronavirus.

196

Related posts

Leave a Comment