NAPAKARAMI NANG NAITULONG NG MGA NEGOSYANTE

Badilla Ngayon

BILANG isang ­journalist, trabaho, tungkulin at ­obligasyon kong ibalita at isiwalat ang mga nagaganap sa ating lipunang ngayong mayroong lockdown sa Luzon at ­maraming lalawigan sa Visayas at Mindanao dulot ng coronavirus ­disease 2019 (COVID-19) upang malaman ng publiko ang mga kaganapang ito, positibo man o negatibo, mabuti o masama, sapagkat apektado ang publiko sa mga pangyayaring ito.

Kung ibinalita natin na maglalabas ng P200 ­bilyon ang administrasyong Duterte upang ipamahagi sa mga pamilyang mahihirap na apektado ng “community quarantine” (CQ) ang trabaho o kabuhayan, kailangang bantayan upang isiwalat kung may kapalpakan o kinukurakot ang nasabing bilyun-bilyong salapi ng sinuman sa mga opisyal at kawani ng ahensiya ng pamahalaan na inatasang mamahagi nito.

Kung ibinalita natin na mamahagi ang Department of Labor and Employment (DOLE) ng P5,000 sa bawat manggagawang nawalan ng suweldo dahil nawalan ng trabaho, nasuspinde o nabago ang sistema ng pagtatrabaho dahil sa pagpapatigil ng pamahalaan na magbukas ang maraming negosyo sa panahong mayroong “enhanced community quarantine” (ECQ) sa Luzon at CQ sa ilang lalawigan sa Visayas at Mindanao, tungkulin at obligasyon din ­nating ibuking ang kapalpakan ng DOLE sa pamimigay ng ipinangako nitong P5,000 sa bawat manggagawa.

Kung hindi ibubunyag ng mga mamamahayag na tulad ko ang kapalpakan at kamalian ng mga opisyal ng iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan ay kawawa naman ang milyun-milyong mahihirap na mamamayang Filipino, kasama na siyempre ang mga manggagawa.

Maliban sa mga ‘yan, maganda ring naibabalita ang mga naitulong ng mga malalaking ­negosyante ngayong nahaharap sa malaking suliranin ang bansa.

Para sa kaalaman ng publiko, umabot na sa P877 milyon ang naipamahagi ng San Miguel Corporation (SMC) na pinamumunuan ni Ramon Ang.

Sa halagang ‘yan, P100 milyon ang itinulong sa pamahalaan upang labanan at sugpuin ang COVID-19, P181 milyong halaga ng pagkain, P500 milyong pera na pambili ng mga personal protective equipment (PPE) para sa frontliners, P38 ­milyong halaga ng mga bigas, P38.9 milyong halaga ng alcohol at libreng pagpasok sa tollways ng SMC na P1.1 milyon ang kabuuang inabot na halaga.

Sa pamamagitan ng Gokongwei Brothers, namahagi rin ang ­Gokongwei ­family sa pangunguna ni Lance Gokongwei, ay namahagi ng P100 milyon halaga ng pera at PPEs sa Philippine General Hospital (PGH), Lung Center of the ­Philippines (LCP), Dr. Jose N. Rodriguez Memorial Hospital, Sanitarium at UP ­Medical Foundation.

Ang Lopez Group of Companies, sa pamamagitan ng isa sa mga ­kumpanya nito na First ­Philippine ­Holdings Corporation (FPHC), ay nagbigay din ng P100 milyon sa Department of Transportation (DOTr) na gagamiting panggastos para matiyak ang kalusugan ng mga nagsisibalikang seafarers at overseas Filipino workers (OFWs) mula sa COVID-19.

Ang isa pang nabalitaan kong namahagi ng P500 milyong halaga ng “grocery items” na ipinamigay sa mga piling lalawigan, lungsod at bayan mula Luzon hanggang Mindanao ay ang kontrobersiyal na ­National Grid Corporation of the ­Philippines (NGCP).

Maliban sa P500 ­milyong halaga ng grocery items, ang State Grid Corporation of China (SGCC) na nagmamay-ari ng 40 porsiyentong parte ng NGCP ay namigay din ng 500,000 piraso ng face masks sa ­Philippine Red Cross (PRC) na pinamumunuan ni Senador Richard Gordon.

Sa mga naturang ­negosyante o kumpanya, ang P877 milyong halaga ng itinulong ng SMC at P500 ­milyong halaga na inayuda ng NGCP ang hindi ­naibalita sa media ang eksaktong mga nakinabang o mga lugar na pinagdalhan.

Maraming mahihirap sa aming lungsod, ngunit wala akong nabalitaan na nakarating ang tulong ng SMC at NGCP sa amin. NELSON BADILLA

 

219

Related posts

Leave a Comment