UMAPELA ang Malakanyang sa mga miyembro ng NPA, oposisyon at mga kaaway ng estado na tigilan na muna ang pamumulitika at sa halip ay suportahan ang pamahalaan sa paglaban sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, hindi ito ang tamang oras at panahon para batikusin ang gobyerno dahil sa health crisis sa bansa.
“Nakikiusap kami, mga NPA (New People’s Army), lahat ng oposisyon, lahat ng kalaban ng gobyerno, isantabi niyo muna po ang pulitika ngayong meron tayong krisis na umiiral sa ating bayan,” ayon kay Sec. Roque.
Ang apela na ito ni Sec. Roque ay kasunod ng ulat na inagaw ng mga diumano’y kasapi ng New People’s Army ang ilang relief goods na ipamamahagi sana sa mga residenteng apektado ng community quarantine kontra COVID-19, sa Balangiga, Eastern Samar, iniulat ng militar nitong Biyernes.
Naganap ang insidenteng kinasangkutan ng aabot sa 30 rebelde noong Martes, sa Sitio Bangon, Brgy. Guinmayohan, ayon kay Capt. Reynaldo Aragones Jr., tagapagsalita ng Army 8th Infantry Division.
“Matapos ang krisis na ito, bakbakan ulit kung gusto ninyo. Pero sa ngayon po, hayaan muna natin na makarating ang tulong ng gobyerno sa lahat ng mga nangangailangan ng tulong,” ayon kay Sec. Roque.
Samantala, inatasan naman ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) na i-verify ang pangalan ng mga benepisaryo na nakalista sa roster na isinumite ng local government units (LGUs).
“May ilang areas na kontrolado ng NPA, hindi pinapapasok yung mga taong gobyerno. Paano naman natin mabe-verify yung mga pangalan ng mga nakatira doon sa areas kung saan nandoon yung mga NPA?” ayon kay Sec. Roque. CHRISTIAN DALE
192 