Nagparada sa QC, nagpasabong sa Maynila BRGY OFFICIALS NA PASAWAY KAKASUHAN

TARGET ngayon ng Department of Interior and Local Government (DILG) na habulin at papanagutin ang mga opisyal ng barangay na mapatutunayang lumabag sa umiiral na enhanced community quarantine guidelines.

Magkakasunod na sinampahan ng reklamo ang mga barangay official na iniulat kamakailan na sangkot sa ilang aktibidad na tahasang lumabag sa social distancing tulad ng ilegal na pagpapasabong, paglalaro ng bingo, boksing, parada at iba pa.

Dahil dito, pagkasibak sa pwesto ang posibleng kaharapin ng mga barangay official na kinabibilangan nina Chairman Brix Reyes ng Barangay 129, Caloocan City; Chairman Leny Leticia Glivano ng Brgy. Libis, Quezon City; Chairman Rodolfo Palma ng Brgy. Bagong Pagasa, Quezon City at Chairman Brian Mondejar ng Brgy. 20, Tondo, Maynila.

Si Chairman Reyes ng Brgy. 129, Caloocan City, tatlong kagawad at dalawa pa ay kinasuhan ng illegal cockfighting na tahasang paglabag sa “Bayanihan to Heal as One Act” dahil sa kawalan ng social distancing nang dumugin ang patupada umano nito noong Biyernes Santo sa Manila North Cemetery.

Matatandaan pinuntahan mismo ni Manila Mayor Isko Moreno ang Brgy. 129, Caloocan City at binalaan ang mga barangay official na makipagkita sa kanya ang mga nasa likod ng tupada.

Una umanong sumuko sa tanggapan ni Mayor Moreno alas-6 ng gabi noong Sabado de Gloria ang sinasabing operator ng tupada na isang alyas “Kabron”.

Si Chairman Glivano naman ng Brgy. Libis, Quezon City ay pinadalhan ng show cause order (SDO) ng DILG matapos magsagawa ng parada sa kanilang barangay para pasalamatan ang mga frontliner. Bagaman maganda ang intensyon, nalantad naman sa peligrong mahawa ng virus ang mga lumahok sa parada.

Noong nakaraang Abril 1, 2020, inaresto ng mga tauhan ng Quezon City Police District (QCPD) ang 20 residente ng Sitio San Roque, Brgy. Bagong Pagasa matapos magtipon ang may 150 katao sa North EDSA dahil gutom na umano ang kanilang pamilya at wala pa silang natatanggap na relief goods mula sa lokal na pamahalaan.

Reklamo ng mga residente ng Sitio San Roque, wala umano silang maaasahan mula sa kanilang chairman na si Rodolfo Palma pagdating sa ayuda.

Isinailalim naman sa total lockdown ang Brgy. 20, Tondo, Maynila matapos mag-viral ang mga litrato at video ng boksing sa kalye at bingohan ng ilang residente.

Pinagpapaliwanag ng DILG si Brgy. 20 Chairman Brian Mondejar kung bakit hindi niya napigilan ang nasabing aktibidad sa kanyang nasasakupan.

Ang Barangay 20 na nakasasakop sa Zone 2, District 1 ng Tondo, Maynila ay may populasyong 41,334.

Sinisi naman ng netizens si Quezon City Mayor Joy Belmonte sa pagdagsa ng mamimili sa Balintawak Market na pagpapakita anila ng kawalan ng maayos na programa ng lungsod para masigurong naipatutupad ang social distancing.

Ayon kay DILG Undersecretary for Barangay Affairs Martin Dino, marami pang barangay officials silang kakasuhan dahil sa paglabag sa ECQ. JOEL O. AMONGO

288

Related posts

Leave a Comment