NAGPAHAYAG ng pagkaalarma si Senate President Vicente Sotto III sa ulat na talamak ang paglabag sa ipinatutupad na price freeze ng Department of Trade and Industry (DTI) sa mga pangunahing produkto habang nasa COVID-19 lockdown ang Luzon at ilang bahagi ng Visayas.
Binanggit ni Sotto na sa mga ulat na natanggap ng kanyang tanggapan ay ilang abusadong tindera ang nagpapataw ng mataas na presyo ng mga produktong pagkain tulad ng bigas, de-lata at health items sa gitna ng pandemya ng coronavirus.
“Anong nangyari sa price freeze? Sa SRP? Bakit hindi ito nasusunod? Anong ginagawa ng DTI? Bakit hindi nila ito nabantayan?” pag-uusisa ni Sotto sa DTI.
Kabilang sa tinukoy ni Sotto na tumaas ang presyo ay ang bigas.
“Inaabuso ng mga retailers at sellers ang mamamayan sa panahong dapat ay nagtutulungan tayong lahat para malampasan ang krisis na ito. Hindi ito tama,” giit nito.
Bunsod nito, kinalampag ni Sotto ang DTI para magpakalat ng monitoring teams sa mga palengke at supermarket. NOEL ABUEL
208 