BINAKBAKAN sa mababang kapulungan ng Kongreso ang advisory ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na nag-oobliga sa mga grupo at organisasyon na tumutulong sa mga frontliner at mga taong nangangailangan ng ayuda, na kumuha muna sa kanila ng solicitation permit bago isagawa ang aktibidad.
Ayon kay Bayan Muna party-list Rep. Eufemia Cullamat, imbes na ikinatuwa ng DSWD ang fund-raising activities ng iba’t ibang grupo at organisasyon para direktang makatulong sa mga tao sa gitna ng lockdown dahil sa COVID-19 ay pinahihirapan ang mga ito.
“Dagdag pasakit ito sa mamamayan na nagkukusang tumulong sa kapwa Pilipinong nagugutom. Nasa gitna tayo ng krisis.
Wag na natin pahirapan sa burukratikong proseso. Nagugutom na ang mga tao. Kailangan ng agarang aksyon.
At dapat tayong magpasalamat sa mga kapwa nating nagkukusang tumulong sa abot ng kanilang makakaya,” ani Cullamat.
Base umano sa advisory ng DSWD, kailangang kumuha muna sa kanila ng solicitation permit ang grupo o organisasyon na nagpa-fund raising para makatulong sa mga tao at maging sa giyera ng gobyerno kontra COVID-19.
Ibinase umano ang advisory sa Presidential Decree No. 1564 na sinomang magso-solicit na walang permiso ay mahaharapsa parusang isang taong pagkakakulong at P1,000 multa. BERNARD TAGUINOD
259 