29 PROBINSYA SA PINAS, COVID-19 FREE PA

NANANATILING COVID-19 free ang 29 sa 81 probinsya sa Pilipinas.

Ito ang napag-alaman sa mga mambabatas sa mababang kapulungan ng Kongreso na hati ang opinyon kung tuluyang aalisin o palalawigin pa ang enhanced community quarantine pagdating ng Mayo 1.

Base sa listahan na nakarating kay House committee on health vice chairman Mike Defensor, ang mga probinsya na COVID-19 free hanggang ngayon ay Apayao, Ifugao, Kalinga at Mountain Province sa Cordillera Autonomous Region (CAR).

Dalawa naman sa Region 2 na kinabibilangan ng Batanes at Quirino ang walang naitalang kaso ng COVID-19 habang tanging ang Aurora province naman sa Region 3 ang negatibo sa nasabing virus.

Sa Region 5 o Bicol Region, wala pang kasong naitatala sa Sorsogon, Masbate, Catanduanes at Camarines Norte habang sa Region 6 ay libre pa sa COVID-19 ang Guimaras.

Tanging ang Siquijor naman ang walang COVID-19 case sa Region 7 samantalang sa Region 8 ay wala pang naitatalang kaso sa Leyte, Eastern Samar, Biliran at Southern Leyte.

Wala ring tinamaan ng COVID-19 sa Isabela City, Zamboanga Sibugay at Zamboanga del Norte na pawang matatagpuan sa Region 9 at wala ring naitatalang kaso sa Misamis Oriental na sakop ng Region 10.

Sa Caraga region, ang mga probinsya ng Agusan del Sur, Surigao del Norte, Surigao del Sur at Dinagat Island ay wala pang naitatalang kaso ng COVID-19 habang 3 probinsya sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) ang walang kaso na kinabibilangan ng Basilan, Sulu at Tawi-Tawi.

Sa ngayon ay ang National Capital Region (NCR) ang epicenter ng COVID-19 sa Pilipinas habang ang iba pang natitirang rehiyon tulad ng Region 1, Region 4-A at Region 4-B ay may naitalang higit sa isang kaso. BERNARD TAGUINOD

216

Related posts

Leave a Comment