NANINIWALA ang chairman ng House committee on dangerous drugs na nag-o-operate pa rin ang mga sindikato ng droga sa gitna ng enhanced community quarantine (ECQ) dahil malaki na aniya ang shortage ng ilegal na droga
Dahil dito, inatasan ni Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers ang Philippine National Police (PNP) na huwag lang sitahin kundi bulatlatin ang mga sasakyan na dumadaan sa mga COVID-19 checkpoint.
“Base sa mga impormasyon kong natatanggap, may malaking shortage sa supply ng droga sa kalye dahil sa ECQ laban sa Covid-19. We also received reports that drug traffickers, due to the strict travel restrictions and ECQ, are now trying hard to unload their drug stockpile into their street level traffickers to fill up the high demand of their “clients” particularly those based in Metro Manila,” ani Barbers.
Dahil dito, kailangang huwag magpakampante umano ang PNP lalo na sa mga checkpoint dahil maraming pribadong sasakyan na walang kinalaman sa COVID-19 operations ang lakas loob na tumatawid dahil ticket lang ang ibinigay sa kanila.
Kailangan aniyang ipabukas ng mga PNP ang trunk ng mga sasakyan at i-check ang loob upang malaman kung may dalang droga ang mga ito o wala dahil posibleng mga sindikato ang ilan sa mga ito na magdedeliber ng droga.
Sinabi ng mambabatas na may karapatan ang PNP na alamin kung ano ang laman ng mga pribadong sasakyan dahil paglabag na aniya sa Republic Act (RA) 11469 o Bayanihan to Heal as One Act, ang paglabas ng mga ito na walang importanteng pupuntahan. BERNARD TAGUINOD
235 