TINIYAK ni Presidential spokesperson Harry Roque na walang nagrekomenda ng total lockdown o panibagong extension ng enhanced community quarantine (ECQ) sa buong Luzon bilang opsyon sa nalalapit na pagtatapos ng ECQ sa Abril 30.
Sinabi ni Presidential spokesperson Harry Roque, hindi napag-usapan sa pulong sa pagitan nina Pangulong Rodrigo Roa Duterte, government officials, at medical experts ang pagpapatupad ng total lockdown bilang susunod na hakbang ng pamahalaan para tugunan ang coronavirus pandemic sa bansa.
Aniya, walang suhestiyon na nangyari hinggil sa patuloy na implementasyon ng lockdown sa Luzon, na nakatakdang magtapos sa Abril 30.
“Wala pong nag-recommend na ang ECQ ay ipatupad sa buong Luzon,” ani Sec. Roque.
Ang pagdedeklara ng “total lockdown,” para sa ibang opisyal ng pamahalaan ay nangangahulugan na pagsasara ng lahat ng establisimyento maliban sa pamilihan.
Nauna rito, walang balak na magpatupad ng ‘total lockdown’ ang pamahalaan sa gitna ng krisis sa COVID-19.
Ito ang nilinaw ni Inter-Agency Task Force (IATF) Spokesperson at Cabinet Secretary Karlo Nograles kasunod ng banta ni Pangulong Duterte na mala-Martial Law napagpapatupad ng Enhanced Community Quarantine (ECQ).
Ayon kay Nograles, hindi kasama ang total lockdown sa mga opsyong ikinukonsidera nila sa paglaban sa COVID-19.
Hindi rin magdedeklara ng Martial Law si Pangulong Duterte.
Dagdag pa ni Nograles, isa sa pinag-uusapan ng IATF ay ang paggawa ng bagong guidelines hinggil sa magiging “triggers” ng iba’t ibang Local Government Units (LGUs) para iakyat ang quarantine level sa kanilang mga lungsod pero depende pa ito sa approval ng Pangulo.
Kabilang din sa pinag-aaralan kung magpapatupad ng Modified ECQ ay ang geographical locations, edad at kalusugan ng publiko.
Gayundin ang mga industriyang papayagan nang mag-operate muli pero sa limitadong work force at uri ng transportasyon at kung paano maipatutupad dito ang social distancing rules.
Samantala, sa ulat ng Philippine National Police (PNP), umabot na sa 130,177 ang naitalang lumabag sa ECQ at 30,366 dito ang inaresto.
Nasa 2,740 motorista naman ang nasita ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) dahil sa paglabag sa social distancing rules. CHRISTIAN DALE
180 