MULING ipinarating at ipinaalala ng Department of the Interior and Local Government (DILG) sa mahigit 42,000 pamahalaang barangay sa bansa ang “kritikal” na papel nito sa pagsugpo sa coronavirus disease – 2019 (COVID – 19).
Kaya, ipinunto ng DILG sa pinakabagong kalatas nito na isinapubliko nitong Abril 22 na obligadong kumilos at mahigpit na ipatupad ang enhanced community quarantine (ECQ) sa Luzon, partikular ang Barangay Health Emergency Response Teams (BHERTs).
“Kayong mga nasa barangay ang mas nakakaalam at nakakakita ng situwasyon sa komunidad. Kayo ang mga kamay at paa ng gobyerno. Kaya kritikal ang papel ninyo sa pagbabantay kung nasusunod ba nang maayos ang ECQ at kung ano ang mga pangangailangan ng taumbayan,” pahayag ni Undersecretary Jonathan Malaya, tagapagsalita ng DILG.
Binanggit ni Malaya ang kritikal na papel ng mga pamahalaang barangay, lalo na ng mga punong barangay (PB), makaraang ianunsiyo ng DILG na pinadalhan nito ng “show cause order” ang dalawampu’t siyam na mga PB sa ilang lungsod sa Metro Manila matapos silang ireklamo ng mga residente ng kani-kanilang barangay na pabaya sa pagpapatupad ng ECQ.
Magtatapos ang ECQ sa Abril 30.
Ngunit, pinag-aaralan ni Pangulong Rodrigo Duterte na palawigin ito hanggang Mayo 15 sa Metro Manila dahil ito ang mayroong pinakamalaking bilang ng mga biktima ng COVID – 19 batay sa datos ng Department of Health (DOH).
Ang mga ipinatawag ng DILG ay ang mga PB ng Barangays 11, 12, 20, 154, 220, 350 at 212 ng Maynila; Barangays Bagong Silangan, 178, 12, 176, 37 at 129 ng Lungsod ng Caloocan; Barangays Libis, Pasong Putik, Pasong Tamo, San Bartolome, Batasan Hills, Payatas, Fairview, Novaliches Proper at San Antonio ng Quezon City; Barangay Moonwalk sa Parañaque; Barangays Pio Del Pilar at Bangkal sa Lungsod ng Makati; Barangay Almanza 2 sa Las Piñas; Barangay Tonsuya sa Malabon; Barangay Addition Hills sa Lungsod ng Mandaluyong at Barangay Alabang ng Lungsod ng Muntinlupa.
Ani Malaya, mahalaga ang BHERTs sa pagmomonitor at pag-uulat sa mga residenteng posibleng tinamaan ng COVID – 19.
Mayroon ding kaukulang papel ang BHERTs sa “contact tracing” ng mga biktima ng COVID – 19, sa pamamagitan ng pakikipagtulungan ng mga pamahalaang barangay sa Contact Tracing Teams (CTTs) ng local government units (LGUs).
“Lalo’t higit kailangan ang kooperasyon sa paglaban sa Covid-19 ngayong maraming buhay na ang nawala at patuloy na nagsasakripisyo ang mga mamamayan sa kawalan ng hanapbuhay. ‘Wag na po ninyo hintaying masampulan, masita at mabigyan ng show cause order. Gawin ninyo na po ang inyong tungkulin sa inyong constituents,” paliwanag ni Malaya. NELSON S. BADILLA
192 