PITONG araw na lang, tapos na ang enhanced community quarantine (ECQ) sa Luzon ngunit pihadong hindi pa tapos ang ating pakikibaka laban sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Paksa ngayon sa media ang samu’t saring konsepto ng quarantine tulad ng modified community-quarantine (MCQ) at general community quarantine (GCQ) na pamalit sa ECQ.
Alinman sa dalawa, basta ang pinag-aaralang imungkahi ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATFM–EID) kay Pangulong Rodrigo Duterte pagkatapos ng pinalawig na ECQ sa Abril 30 ay iyong maluwagan ang galaw ng ekonomiya.
Ibig sabihin nito, hindi na lang ang mga industriya sa pagkain, gamot at mga mayroong kaugnayan dito ang bukas, kundi maging ang ibang industriya o sektor upang makagalaw kahit 50 porsiyento ng ekonomiya mula sa limitasyong itinakda ng administrasyong Duterte dulot ng COVID-19.
Magkakaiba ang pananaw ng mga ekonomista sa National Economic and Development Authority (NEDA), Asian Development Bank (ADB) at iba pa sa kahihinatnan ng ekonomiya ng bansa ngayong taon kung magpapatuloy ang limitasyon sa ekonomiya.
Ngunit, lahat sila ay nagsasabing malayo sa mahigit anim na porsiyento ang magiging gross domestic product (GDP) ng bansa.
Noong hindi pa nakapasok ang COVID-19 sa Pilipinas, mahigit 6% ang target na makamit sa GDP ngayong 2020.
Ang GDP ang sukatan ng ekonomiya ng lahat ng bansa, kabilang na iyong kontrolado at pinamamahalaan ng mga partido komunista.
Ang GDP ay ang kabuuang halaga ng nagawang mga produkto at serbisyo sa bawat kuwarter ng isang taon o ng buong isang taon.
Totoong delikado ang COVID-19 dahil kapag hindi nagamot ang pasyente ay siguradong mamamatay ito.
Ngunit, naniniwala ako na hindi dapat patuloy na umiral ang limitasyong itinakda sa ECQ nang lampas Abril 30 sa Luzon, sapagkat nanganganib ang ekonomiya ng bansa at buhay ng milyun-milyong mahihirap na mga Filipino.
Umaabot kasi sa 75% ang ambag ng Luzon sa GDP ng bansa.
Kung aakuin ng pamahalaan ang pamimigay ng P5,000 hanggang P8,000 sa mga mahihirap nang lampas sa Hunyo, tiyak hindi ito kakayanin ng pamahalaan.
Ito ngang itinakda ng batas na “Bayanihan to Heal as One” na 18 milyong sobrang mahihirap na mga pamilya na makikinabang ng P5,000 hanggang P8,000 bawat pamilya kada buwan ngayong Abril at Mayo ay hindi pa nahahagilap ng pinagsanib na puwersa ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at ng mahigit 42,000 barangay sa bansa ang pinakamalaking bilang nito hanggang ngayon.
Pitong araw na lang ay tapos na ang Abril, ngunit napakarami pang hindi nakatatanggap ng kanilang ayudang P5,000 hanggang P8,000 mula sa Social Amelioration Program (SAP) na napakahalagang sangkap ng Bayanihan Law.
Iyon ngang pamilya ng bilas kong si Randy sa Lungsod ng Dagupan ay hindi nabigyan ng SAP Card upang magkaroon sila ng perang panggastos sa araw-araw, kasama na iyong gatas at iba pang kailangan ng kanilang unang anak na ilang buwan pa lamang nabubuhay sa mundo.
Si Randy at asawa niya ay parehong walang trabaho.
Wala talagang trabaho ang hipag ko mula nang tumigil ito sa pagiging overseas Filipino worker (OFW) mahigit nang isang taon.
Si Randy naman ay natigil sa trabaho nang isailalim sa ECQ ang Luzon.
Kaya, wala rin siyang suweldo dahil sa patakarang “no work, no pay” ng kumpanyang pinapasukan niya sa Quezon City.
Ang pamilya ni Randy ay nakikitira lang sa kanyang magulang na hindi naman mayaman.
Nag-apply ang pinapasukang kumpanya ni Randy sa Department of Labor and Employment (DOLE), ngunit matatapos na ang Abril ay hindi pa niya natatanggap ang P5,000 mula sa COVID-19 Adjustment Measure Program (CAMP) ng DOLE.
Sa totoo lang, napakarami pang manggagawa ang hindi nakatanggap ng P5,000 mula sa DOLE.
Kung magpapatuloy ang pagsasara ng maraming industriya sa Luzon, tiyak napakaraming pamilyang mahihirap at mga manggagawa ang mahihirapang tustusan ng pamahalaan kahit ang pagkain sa araw-araw.
Naniniwala akong dapat luwagan ng administrasyong Duterte ang quarantine habang ginagawa nating lahat ang lubos na pag-iingat laban sa COVID-19 at pagsugpo sa pandemyang ito.
196 