CAPIZ – Malubha ang kalagayan sa pagamutan ng isang lalaki makaraang pagtatagain ng kanyang kinakasama nang hindi umano hatian ng biktima ng pera mula sa Social Amelioration Program (SAP) ang Department of Social Welfare and Development (DSWD), sa lalawigan ng Capiz.
Nilalapatan ng lunas sa ospital ang biktimang kinilalang si Romeo Alayon, habang dinakip naman ng mga awtoridad ang suspek at live-in partner na kinilalang si Romelyn Olano, kapwa nasa hustong gulang, at residente ng Barangay Maninang, Sapian, Capiz.
Batay sa report ng Sapian PNP, nangyari ang insidente sa bahay ni Alayon nang puntahan ito ni Olano para kunin ang parte nito sa perang P6,000 na ayudang nakuha ng biktima.
Tumanggi umanong bigyan ni Alayon ang suspek na nauwi sa kanilang pagtatalo hanggang sa kumuha ng itak si Olano at pinagtataga ang biktima.
Agad namang dinala sa ospital si Alayon para lapatan ng lunas habang mabilis na nadakip ang suspek. (ANNIE PINEDA)
227 