44M MIDDLE CLASS KAYANG AYUDAHAN

Badilla Ngayon

DITO sa Pilipinas, napakabilis mag-isip ng mga politiko kapag pagtulong sa kapwa ang pinag-uusapan.

Napakatataba ng puso ng mga politiko sa pagpapakita at pagwawasiwas sa kanilang malasakit sa mahihirap na mga Filipino.

Ngunit, tulad nang nababalitaan ng mamamayan, napakabilis ding mag-isip at dumiskarte sa pangungurakot ang napakaraming politiko (napakarami, hindi po lahat… he…he…).

Kaya, hindi ako nagtataka kung bakit hindi nagdalawang isip ang mga senador at kongresista na paspasan ang pagpasa sa Republic Act No. 11469 o “Bayanihan to Heal as One” na nagbigay kapangyarihan kay Pangulong Rodrigo Duterte na maglabas ng P275 bilyon mula sa P4.1 trilyong badyet ng pamahalaan para ngayong 2020 upang ilaan sa Social Amelioration Program (SAP) ng pamahalaan at iba pang gastusin sa paglaban at pagsugpo sa coronavirus disease  2019 (COVID-19).

Sa P275 bilyon, P205 ang naibigay na ng Department of Budget and Management (DBM) sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) bilang pondo ng SAP.

Ang nasabing bilyun-bilyong salapi para sa SAP ay inilaan sa 18 milyong “pinakamahihirap” sa mga mahihirap na pamilyang Filipino, alinsunod sa Bayanihan Act.

Ang totoo, napakalaki ng P205 bilyon.

Kayang-kayang bigyan ang mga Filipino, kasama na ang 44,220,000 taxpayers o middle class individuals.

Sa pag-aaral ng Philippine Statistics Authority (PSA) na inilabas nitong 2019, umaabot sa 23.5 milyong Filipino ang ‘totoong mahihirap.’

Kung susundin natin ang bilang na ginamit ng PSA sa pag-aaral nito na mayroong limang miyembro bawat pamilya, lumilitaw na 4.7 milyong pamilya ang totoong mahihirap.

Sila iyong kumikita ng mas mababa sa P9,520 bawat buwan. Sila ang nasa ilalim ng tinatawag na “guhit ng kahirapan” o “laylayan ng lipunan”.

Ang middle class naman na nagbabayad ng buwis ay umaabot sa 44,220,000 o 40.4% ng 110 milyong populasyon ng Pilipinas.

Kung bibilangin sila bilang pamilya, mayroon tayong 8,844,400 pamilyang middle class o gitnang uri.

Nahahati sila sa tatlo batay sa kinikita nila, ayon sa PSA.

Lower middle-income-class (P19,040.00 hanggang P38,080.00 kita kada buwan), middle middle-income class (P38,081.00 hanggang P66,640.00 kita bawat buwan) at upper middle-income-class (na ang kita kada buwan ay P66,641.00 hanggang P114,240.00).

Nagtatrabaho sila sa iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan at pribadong kumpanya.

Kung 40.4 porsiyento sila ng kabuuang populasyon ng bansa, wasto lamang na sabihing napakalaki ng inaambag nila sa ekonomiya (sa pagbabayad ng buwis at pagbili ng kung anu-anong produkto at pagkakaroon ng kung anu-anong serbisyo tulad ng pagpapagamot, edukasyon at iba pa).

Ang middle class na ‘yan ay siyang regular na nagbabayad ng buwis sa Bureau of Internal Revenue (BIR).

Samakatuwid, ang middle class bilang taxpayer ay isa sa bumubuhay sa pamahalaan.

Dahil sa buwis na ibinabayad at kita mula sa mga negosyong pinatatakbo ng pamahalaan, nagkakaroon ito ng perang  ginagamit sa pagpapasahod sa mga opisyal at kawani ng pamahalaan, kabilang na ang pangulo at pangalawang pangulo ng bansa at sangkaterbang politiko hanggang sa mahigit 42,000 pamahalaang barangay sa ating pinakamamahal na bansa.

Ang iba ay ang tinatawag na upper income class (pero wala pa sa kategorya ng mayaman, ayon sa PSA, kahit ang kinikita nila kada buwan ay umaabot sa P114,241.00 hanggang P190,400.00).

At siyempre, nagbabayad din ng buwis ang mga mayayaman na ang kita bawat buwan ay P190,401.00 pataas.

Ang 23.5 milyon mahihirap na mga Filipino o 4.7 pamilya ay nagbabayad din ng buwis tuwing bumibili sila ng mga produkto tulad halimbawa ng noodles.

Sa datos na ibinahagi ko, kayang-kayang bigyan ng administrasyong Duterte ng tig-P5,000 hanggang tig-P8,000 ang mga mahihirap na pamilya ngayong Abril at Mayo, lalo pa’t nasa 4.7 milyong pamilya lang pala sila, hindi 18 milyong binanggit sa Bayanihan Act.

Saan ba kinuha ng mga senador, sa pangunguna ng kanilang pangulo na si Senador Vicente “Tito” Sotto III, ang 18 milyon?

Pokaragat na ‘yan!

Kung 4.7 milyong pamilya lang ang mga mahihirap, kayang-kaya ring bigyan ng administrasyong Duterte ang mahigit 8.8 milyong pamilyang pasok sa middle-income class kada buwan ng tig-P5,000 hanggang P8,000 sa loob ng dalawang buwan.

Sa kabuuan ay 13,544,400 milyong pamilya lang ang tutustusan ng pamahalaan sa loob ng dalawang buwan.

Banggitin ko lang uli na ang bilyun-bilyong pisong pondo ng SAP ay inilaan sa loob ng dalawang buwang pagtulong ng pamahalaan sa mga tinamaan ng COVID-19.

Kaya, sobra-sobra pa ang P275 bilyon itinakda ng Bayanihan Act dahil 18 milyong pamilya ang bibigyan ng ayuda.

 

367

Related posts

Leave a Comment