HANGGANG ngayon ba ay hindi pa rin maunawaan ng ating mga kababayan na mayroon tayong kinakaharap na laban kaya ganito ang ating situwasyon?
Bakit hanggang ngayon puro pa rin reklamo? Hindi ba dapat na sa halip na puro ngawa ay makipagtulungan na muna tayo sa ating pamahalaan sa pakikibaka sa ating kalaban na di nakikita ng ating mga mata?
Hindi ko maintindihan sa halos daang libong mga kababayan natin na nahuhuli ng mga awtoridad dahil sa paglabag sa itinatakdang alintuntunin ng enhanced community quarantine o ECQ. Talaga bang pasaway lang o may mga nag-uudyok sa mga ito?
Pasalamat nga tayo dahil ang kinakaharap natin ngayong laban ay hindi sa pamamagitan ng bala at iba pang mga nakakamatay na mga instrumento tulad ng missiles o chemicals na ginagamit upang mamatay ang mga indibuwal na nangyayari ngayon sa Gitnang Silangan.
Dapat magpasalamat tayo na bagamat nasa giyera o digmaan tayo sa kasalukuyan ay nakakinom pa tayo ng tubig nang maayos at kahit papaano ay nakakain pa rin tayo sa ating mga hapag kainan at hindi kung saan-saan na lamang na patakbo-takbo na parang dagang walang masusulingan.
Dapat pasalamatan pa rin natin na kahit na sa isang labanan tayo ngayon ay mayroon pa ring ayudang dumarating sa atin mula sa ating pamahalaan at sa iba pang mga idibiduwal at sektor na mayroong kakayanang tumulong.
Salamat pa rin sa Panginoon na bagama’t nasa digmaan tayo ay kasama natin ang ating pamilya, hindi gaya ng isang klase ng digmaan na bala, kanyon at iba pang mapamuksang sandata ang gamit kaya naman nagkakawatak-watak ang miyembro ng pamilya at di na malaman kung sila ba ay buhay pa o patay.
Sa digmaan ngayon, kasama pa natin ang ating pamilya sa ating pagtulog sa loob ng ating bahay.
Kaya nga sa ngayon ay dapat koordinasyon at makipagtulungan sa pamahalaan ang ating gawin dahil ang pagkakaisa ang tanging sandata natin sa ating pakikibaka sa nakakamatay na COVID-19 bukod pa sa mataimtim na panalangin sa ating makapangyarihang Diyos.
Kaya po sa ating mga Ka-Saksi, dapat isang maayos na pagtalima sa mga ipinapatupad na alituntunin ng mga awtoridad upang mapagtagumpayan natin ang kinakaharap nating laban kontra sa COVID-19.
Huwag po nating pikunin ang mga awtoridad na frontliner tulad nang ginawa ng isang dayuhan, dahil ang mga pulis natin ay mga tao rin at nakakaramdam din ng pagod at insulto.
Kaya nga ang ginawa ng isang dayuhan na pakikipagbuno sa isang pulis na sumita sa una dahil walang suot na face mask sa labas ng kanyang bahay sa Makati City sa gitna ng enhanced community quarantine (ECQ) period ay iniimbestigahan na ng Bureau of Imiigration.
Sinabi ni BI spokesperson Dana Sandoval, inaalam ng intelligence division ng BI kung lumabag sa umiral na batas ng bansa partikular na ang Immigration Laws gaya ng hindi paggalang sa mga awtoridad ang dayuhan. Sakali ng mapatunayan, maaring maharap sa deportation ang dayuhan.
Ayon pa kay Sandoval, maaring arestuhin ang sinumang banyaga na hindi sumusunod sa ipinapatupad na ECQ dahil hindi ito eksklusibo na para lamang sa mga Filipino.
302 