PASOK sa kasong treason ang mga opisyal ng gobyerno na hindi magtatanggol sa teritoryo ng Pilipinas sa West Philippine Sea (WPS) at tila nagdedepensa pa sa China.
Ito ang ibinabala ni ACT party-list Rep. France Castro matapos ang tila pagtatanggol pa umano ni Defense Secretary Delfin Lorenzana sa China nang sabihin nito na walang plano ang nasabing bansa na saktan ang Philippine Navy (PN) nang tutukan nila ito ng radar gun kundi tinitingnan lang kung ano ang reaksyon ng Pilipinas sa kanilang ginawa.
“Kahit na walang presence ng war with China, may dispute tayo sa kanila. At dahil nakapasok na sila sa teritoryo natin at wala silang ginawa kundi magpa-bully. Pero may pagbibigay ng pabor sa Tsina at hindi man lang pinagtanggol teritory natin. So may essence ng pagkakanulo ng ating interest para sa Tsina,” ani Castro.
Sinabi rin ng mambabatas na iniinsulto ng China ang Sandatahang Lakas subalit may opisyales pa aniya na tila nagtatanggol pa sa ginawa ng nasabing bansa sa ating Navy.
“Then lumabas pa yung kay AFP chief Gen Santos na humihingi ng personal favor using his position and its office,” ayon pa kay Castro kaya hindi nito maiwasang isipin na “hawak talaga sa leeg ng Tsina ang administrasyon natin”.
Naniniwala naman si House committee on national defense and security vice chairman Ruffy Biazon na posibleng totoo ang pahayag ni Lorenzana na walang planong manakit ang China subalit ang pagtutok nila ng radar gun sa PN ay walang ipinagkaiba sa pagtutok ng baril sa ulo ng Pilipinas.
“The trigger may not pulled, but the act by itself is an offensive in nature,” paglalarawan ni Biazon.
Hindi rin matanggap ni Biazon ang kantang “Iisang Dagat” na pagpupugay umano sa mga health worker sa Pilipinas at China kung saan ang isa sa mga kumanta ay si Camarines Sur Vice Gov. Imelda Papin.
“There is an ingrained political message where China is asserting their claims over our rights. This is why it is difficult to accept as claimed that the song entitled “Iisang Dagat” is meant to honor the medical teams of China and the Philippines,” ani Biazon. BERNARD TAGUINOD
227 