INAMIN ng pinuno ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) nitong Martes sa komite ng mababang kapulungan ng Kongreso laban sa coronavirus disease-2019 (COVID-19) na hindi pa gumagaling ang kanilang 195 persons deprived of liberty (PDLs) at 33 jail officers (JOs) mula sa notoryus pandemya.
Sabi ni Chief Supt. Allan Iral sa virtual meeting sa pinuno at mga kasapi ng DEFEAT COVID-19 Committee ng mababang kapulungan na 195 PDLs ang nagpositibo sa COVID-19, mula sa 373 PDLs na isinailalim sa test.
Wala pang gumagaling sa kanila, tugon ni Iral.
Sa nasabing problema, ang unang ibinalita lamang ng tagapagsalita ng BJMP na si Chief Insp. Xavier Zolda sa media ay ang siyam na PDLs mula sa Quezon City Jail (QCJ).
Sabi ni Zolda, agad silang inilagay sa isang “isolated” na lugar upang mapagaling sila at hindi na makahawa sa iba pang PDLs.
Ang pinakamaraming PDLs na nagkaroon ng COVID-19 ay ang Cebu City Jail (CCJ) na 185 lahat, samantalang isang PDL lamang ang naitala sa Mandaue City Jail (MCJ), banggit ni Iral sa mga mambabatas.
Sa JOs ng BJMP, 38 ang tinamaan ng COVID-19 kung saan lima sa kanila ang gumaling, patuloy ni Iral.
Tiniyak ng hepe ng BJMP sa mga kasapian ng DEFEAT COVID-19 Committee ng mababang kapulungan na lahat ng nagpositibo sa nasabing sakit ay inilagay na sa isolated area.
Regular din umanong binabantayan ang lahat ng kulungan ng BJMP upang huwag nang kumalat pa ang COVID-19 sa mga bilangguan nito. NELSON S. BADILLA
265 