HINIKAYAT ni Senador Imee Marcos ang lahat ng employers na tiyaking makababalik sa kani-kanilang trabaho ang mga contractual worker sakaling tuluyan nang payagan ng pamahalaan ang pagbubukas ng mga pribadong kumpanya kabilang na ang mga pagawaan o pabrika.
Kaugnay sa paggunita ng Araw ng Paggawa sa darating na Mayo 1, ang panawagan ay ginawa ni Marcos sa pangambang ang mga contractual worker ay hindi na pabalikin ng mga employer sa kanilang trabaho at gawing dahilan ang patuloy na pananalasa ng COVID-19.
“Matagal nang exploited ang mga contractual worker kaya sana naman pabalikin nila ito sa kanilang trabaho. Kawawa naman dahil wala silang mga benepisyo na nakukuha sa kanilang trabaho kahit matagal na silang namamasukan sa kumpanya,” pahayag ni Marcos.
Binigyan diin ni Marcos na sa patuloy na krisis dahil sa COVID-19, ang mga manggagawang hindi regular sa kanilang mga trabaho ang higit na naapektuhan dahil wala silang mga benepisyong nakukuha tulad ng PhilHealth, SSS, Pag-ibig at insurance na maaari sana nilang matakbuhan sa panahon ng kagipitan.
Ayon pa kay Marcos, halos walang proteksyon sa batas paggawa ang mga contractual worker at nakalulungkot dahil sa kabila ng panawagan ng iba’t ibang labor organization, ang usapin ng regularisasyon ay hindi pa rin nabibigyan ng solusyon ng Department of Labor and Employment.
Ang ECQ na patuloy na umiiral sa Metro Manila at ilang probinsiya ay ipatutupad hanggang May 15, samantalang ang mga lugar naman na isinailalim sa GCQ ay maaari nang magbukas ng kanilang negosyo tulad ng nasa agriculture, fishery, forestry, food manufacturing, packaging, food retail, supermarket, restaurants, hospitals, logistics, water, energy, internet, telecommunications at media.
Base sa datos ng DOLE, umaabot sa mahigit 2 milyong manggagawa ang nawalan ng trabaho dahil na rin sa COVID-19. Ang Metro Manila ang may pinakamataas na bilang ng apektadong manggagawa na umabot sa mahigit sa 687,634 at sumunod ang Central Luzon na may bilang na 281,278 manggagawa.
Kaugnay nito, hinikayat din ni Marcos ang pamahalaan na magsilbing halimbawa sa mga pribadong kompauya na hindi magtanggal ng mga government contractual worker ngayong nasa krisis ang bansa dulot ng COVID-19.
Sa kasalukuyan, ang pamahalaan ay itinuturing na may pinakamaraming bilang ng mga contractual worker na walang natatanggap na benepisyo tulad ng GSIS, PhilHealth, Pag-ibig at iba pang suportang dapat na ibigay sa mga ito. Estong Reyes
259 