P45.8-B VS COVID-19, APRUB SA DBM

PUMAYAG na ang Department of Budget and Management (DBM) na maglabas ng P45.717 bilyong gagamitin ng Department of Health (DOH) laban sa coronavirus disease-2019 (COVID-19).

Iniulat ito ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Kongreso kung saan sinabi nitong kailangan ng DOH ang P45.717 bilyon upang mapaghusay pa ng kagawaran ang pagsugpo sa COVID-19.

Bahagi ang perang ito ng P275 bilyong pondo ng pamahalaan na nakasaad sa “Bayanihan to Heal as One” Law na gagamitin laban sa COVID-19.

Isa sa paglalaanan ng DOH sa P45.717 bilyon nito ay ang pagbili ng P1.35 bilyong halaga ng 1,500 pirasong mechanical ventilators na ilalagay sa mga ospital na hawak ng DOH, ilang pagamutan ng mga pamahalaang lokal, ospital ng mga militar at Philippine General Hospital (PGH).

Inaasahan ding bibili ang DOH ng mga kama na eksklusibong gagamitin ng mga pasyenteng mayroong COVID-19.

Naniniwala ang DOH at iba pang eksperto sa matitinding sakit na magpapatuloy ang pamemerwisyo ng COVID-19 kahit gawing “general community quarantine” (GCQ) na ang “enhanced community quarantine” (ECQ) pagkatapos ng Mayo 15.

Maliban sa P45.717 bilyon, ang iba pang pinondohan ng DBM ay ang P205 bilyon ng Social Amelioration Program (SAP), P51 bilyon bilang small business wage subsidy (SBWS) sa sektor ng micro, small and medium enterprises (MSMEs), P2.5 bilyon para sa ayuda ng Department of Labor and Employment (DOLE). NELSON S. BADILLA

192

Related posts

Leave a Comment