Mga residente ng Brgy. Sta. Monica, nag-panic NAG-REPACK NG RELIEF PACKS SA QC, COVID-19 POSITIVE

NANGANGAMBA ang mga residente ng Brgy. Sta. Monica, Novaliches, Quezon City na posibleng maraming nahawaan ang isang ginang sa kanyang mga kasamahan na nag-repack ng relief goods matapos itong magpositibo sa COVID-19.

Ayon sa impormasyong nakalap ng Saksi Ngayon, mula sa kaibigan ng hindi pinangalanang biktima, nakaramdam umano ito ng mga sintomas na tulad ng nararamdaman sa COVID-19.

Kung kaya’t kamakalawa ay kusa itong nagtungo sa Novaliches District Hospital sa Brgy. San Bartolome, Quezon City para magpasuri.

Lumitaw sa resulta ng pagsusuri na positibo ang biktima kaya hindi ito pinayagang lumabas sa nasabing pagamutan.

Napag-alaman na noong unang nagpa-check-up ang biktima ay pinayuhan ito na magpaiwan sa ospital dahil sa mga sintomas ng COVID-19 ngunit hindi pumayag ang pasyente kaya umuwi ito.

Pagdating sa kanilang bahay ay sumama ang biktima sa kanilang mga kapitbahay sa pagre-repack ng relief goods na ipamimigay sa mga residente ng Brgy. Sta. Monica.

Dahil dito, nangangamba ang mga residente ng nasabing barangay na dumami ang kaso ng COVID-19 sa kanilang lugar matapos magpositibo ang nasabing ginang.

Batay sa nakuhang impormasyon mula sa Quezon City COVID-19 Media Bulletin, hanggang Mayo 1, 2020, ang kumpirmadong kaso ng coronavirus disease sa lungsod ay umabot na sa 1,312.

Ang kabuuang kumpirmadong kaso na may complete addresses sa Quezon City, ay nasa 1,152.

Samantala, ang kabuuang validated cases ng QC Epidemiology and Surveillance Unit and District Office ay nasa 994.

Ang active COVID-19 cases naman sa siyudad ay nasa 623, habang 13 ang mga nadagdag sa gumaling at ang kabuuang recoveries sa nasabing sakit ay umabot na sa 242.

Hanggang sa nasabing petsa ay nakapagtala ng kabuuang bilang ng mga namatay sa 129. JOEL O. AMONGO

264

Related posts

Leave a Comment