“MAS madali ang contact tracing kung sisimulan sa tinitirhan at iniikutang barangay ng COVID-19 victim.”
Ito ang paniniwala ni ACT-CIS Partylist Representative Niña Taduran makaraang imungkahi na gawing contact tracers ang mga barangay health worker upang agad maresolba ang kakulangan sa mga ito.
Ayon sa Department of Health, nangangailangan sila ng 126,224 contact tracers o isang contact tracer kada 800 katao.
“Isailalim lang ang barangay health worker sa online training ng DOH para mas accurate ang pamamaraan ng contact tracing,” ayon kay Taduran.
Pinayuhan din ng House Asst. Majority Leader na mamahagi ng survey forms sa barangay para malaman kung sino ang maaaring may sintomas o na-expose sa COVID-19.
“Printed or online survey forms can help in assessing who could be exposed recently or are having symptoms of the virus in a barangay. These survey forms can also help in counter checking their contact tracing list,” ang paliwanag ni Taduran.
Kailangan lang aniya na regular na bigyan ng face masks, goggles o face shields at sanitizers ang mga barangay health worker na gagawing contact tracers.
“Kailangan din silang bigyan ng dagdag na suweldo dahil mapanganib ang kanilang gawain. Hindi lang naman sa pamamagitan ng telepono gagawin ang contact tracing, maaaring kailanganin din nilang lumabas. Tratuhin silang mabuti dahil ang kanilang epektibong contact tracing ang susi para ma-quarantine agad ang nakasalamuha ng COVID-19 patient at maiwasang kumalat pa ang virus,” pagtatapos ni Rep. Taduran. CESAR BARQUILLA
290
