BINATIKOS ni Senador Leila De Lima ang panibagong pang-aabuso ng China sa mga Pilipinong mangingisda sa nangyaring trahedya sa karagatan.
Giit ni De Lima, dapat papanagutin ang mga Chinese national na sakay ng Hong Kong-flagged cargo ship sa karagatan ng Occidental Mindoro dahil sa pagpapalubog sa fishing boat na sinasakyan ng 14 mangingisdang Pinoy.
“If what happened was a mere collision, why did the Chinese vessel not rescue the Filipino fishermen, as in any ordinary, unintentional and purely maritime accident? Ganyan ba ang kaibigan, papatayin ka o hahayaan kang mamatay?,” tanong ni De Lima.
Aniya, insulto na nga sa mga mangingisda na tinataboy sa mismong karagatan ng Pilipinas ay hindi pa maipagtanggol ng gobyerno kapag inagrabyado at nalalagay sa kapahamakan.
Nakapanlulumo aniya na ang pahayag ng Malacañang ay halos pumapabor sa mga siga at bully na Chinese.
“Wasak ang bangka at nawawala ang ating 14 na mangingisda. Hindi ito ordinaryo, hindi rin ito unang beses, at mas lalong hindi lang sa mga mangingisdang Pilipino ginagawa, tapos sasabihin ng gobyerno simpleng banggaan lang!” giit ni De Lima.
“Kung ang bumunggo ay private vessel, at hindi sanctioned ng China, dapat panagutin ang private vessel hindi ‘yung mabilis pa sa alas-kwatro na sinasalag n’yo ang pananagutan nila. Ano, feelings na naman ng China? Hipokrito at traydor.
Hindi n’yo man lang ipagtanggol ang kapakanan ng mga ordinaryong mangingisda. Kahit man lang sa mga pahayag ninyo, talong-talo sila, talong-talo ang mga Pilipino,” paliwanag pa nito.
Paulit-ulit na lang aniyang binabalahura ng China ang mga Pinoy sa sariling teritoryo kung kaya’t dapat ay kumilos ang pamahalaan. (NOEL ABUEL)
